Sat. Aug 8th, 2026

POSIBLENG hindi makaupo si outgoing Sen. Cynthia Villar bilang kinatawan ng lungsod ng Las Piñas dahil sa kinakaharap niyang disqualification case na inihain sa Commission on Elections (Comelec) nitong Martes.

Sa 13-pahinang petition na isinumite sa Comelec, inakusahan ni Las Pinas Councilor Mark Anthony Santos ang senador ng malawakang distribusyon ng cash at ayuda kapalit ng boto.

Nauna nang naghain si Santos ng kasong vote-buying at iba pang paglabag sa Omnibus Election Code and Commission on Elections (Comelec) Resolution No.11104 laban kay Villar.

“It was picturesque indeed. The seasoned politician spoke in a crowd-filled venue. Behind Villar, people que to fill-up forms, submit documents, and receive cash,” sabi ni Santos, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Zardi Abellera.

Sinabi ni Abellera na ang presenya at partisipasyon ng kandidato ay hindi lamang nagkataon. Nakipagkamay umano ang kandidato sa mga benepisyaryo at nag-talumpati habang ang distribusyon ng ayuda ay nagpatuloy.

Partikular na nangyari umano ang pangangampanya noong April 23 at 24, 2025 sa mga senior citizens na residente ng Las Pinas.

Noong Abril 23, 2025, partikular na binanggit na namahagi umano si Villar ng mga form sa harapan ng mga benepisyaryo sa PhilHealth, malinaw na isang hindi direktang pagbibigay ng materyal na konsiderasyon upang impluwensyahan, hikayatin o sirain ang mga botante – at sa mas masamang anyo nito, sa pamamagitan ng umano’y pag-abuso sa state resources.

Sa pagbanggit sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi ni Abellera na ang public funds ay dapat “insulated” mula sa mga aktibidad na political partisan activities at ang gawain ng gobyerno ay hindi dapat gamitin para sa electioneering.

Isinaalang-alang ang dalawang insidenteng ito, umapela si Abellera sa Comelec na idiskwalipika ang senador mula sa pagpapatuloy bilang kandidato sa May 12 midterm elections para sa posisyon bilang kinatawan ng House of Representatives para sa lone district ng Las Pinas City.

“In the most remote possibility that Villar receives the highest number of votes, it is respectfully prayed that her proclamation be suspended,” apela ni Abellera sa poll body.

Idinagdag ni Abellera na kailangang madiskwalipika si Villar bilang kandidato para sa umano’y napakalinaw at maliwanag na paglabag sa batas, upang maging halimbawa sa mga kandidatong maaaring magkatulad ang pag-iisip.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kung madiskuwalipika ang kandidato at magdesisyong itaas ang kanyang kaso sa Korte Suprema, ipatutupad ng poll body ang desisyon nito nang walang temporary restraining order limang araw pagkatapos ng ruling ng Comelec. Ituturing na stray votes ang kanilang mga boto.

Sa ngayon, ani Garcia, mayroong halos 400 na nakabinbing mga kaso ng disqualification na kinasasangkutan ng mga alegasyon ng pagbili ng boto at pag-abuso sa state resources.

Maghahain ng disqualification charges ang Task Force Baklas ng Comelec laban sa may 35 kandidato sa May 12 midterm elections dahil sa umano’y illegal campaign materials.

Ani Garcia nitong Martes, karamihan sa mga kandidatong posibleng maharap sa kaso ay tumatakbo para sa mga lokal na posisyon.

“Mga 30 to 35 katao ang kakasuhan ng Task Force Baklas officially ng kaso dahil sa hindi pagtatanggal ng mga campaign materials na ni-require ng task force na tanggalin and despite several notices at pakiusap,” aniya.

Si Villar, isa sa pinakamayamang mambabatas sa bansa, ay tinatapos ang kanyang ikalawang sunod na termino sa Senado at hinahangad na palitan ang kanyang anak na si Camille Villar bilang kinatawan ng Las Piñas. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *