UMAASA si Senate President Chiz Escudero na ang pagkakaisa at paghilom ay mananaig sa susunod na mga linggo, kasabay ng mas masusing pag-aaral sa mga naging tagumpay at hamon ng katatapos na eleksyon.
Nanawagan si Escudero sa mga bagong halal na opisyal na isantabi ang politika at ituon ang pansin sa paglilingkod sa lahat ng mamamayan, hindi lamang sa mga bumoto sa kanila.
Ayon kay Escudero, ang halalan ay isang yugto ng demokratikong proseso, ngunit ang tunay na hamon ay ang epektibong pamamahala at pagtugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino, anoman ang kanilang paninindigan sa politika.
Kasabay ng kanyang pasasalamat sa mga guro, Comelec officials, at mga tagapangasiwa ng halalan na nagtiyak ng maayos at mapayapang eleksyon, binigyang-diin ni Escudero na panahon na upang tapusin ang bangayan at simulan ang pagkakaisa.
Aniya, ang mga nagwaging opisyal—mula senador hanggang konsehal—ay may pananagutan sa lahat ng kanilang nasasakupan, hindi lamang sa kanilang mga tagasuporta, kundi sa bawat mamamayan na nangangailangan ng kanilang serbisyo.#