Sat. Aug 8th, 2026

ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nabisto niya pag-upo sa Malacanang noong 2022 na kaya mataas ang presyo ng bigas dahil walang habas ang importasyon at mismong ilang opisyal ng gobyerno ang sangkot sa rice smuggling.

“Ang katotohanan, ang nakita namin ang pangkontrol doon sa presyo ng bigas ay ang smuggled na bigas kaya nagho-hoard,” sabi ni Marcos Jr. sa Episode 1 ng BBM Podcast ba ipinaskil sa Facebook.

“Ang isa sa una naming ginawa, nag-raid kami ng mga warehouse. Ito ang pinakamalupit sinabi namin, ba’t may ganito? At hindi na iniintindi basta’t puro ang import natin dahil ang nagi-smuggle mga official din ng gobyerno. Kumikita sila. Bakit nila papalitan? Sige pasok lang sila ng pasok hindi nila iniintindi ang production hindi iniintindi yung sistema, hindi nila iniintindi ang presyo ng palay, ang presyo ng bigas, ang kikitain na magsasaka walang ganun,” dagdag niya

Ito aniya ang isa sa mga dispalinghadong sistema na dapat ayusin para matupad ang campaign promise niyang P20/kg bigas kaya natagalan bago nagawa ng kanyang administrasyon.

Hindi tinukoy ni Marcos Jr. ang pangalan ng mga opisyal na sangkot sa rice smuggling at kung may sinampahan ng kaso.

“Basta’t ito yung nakita namin ‘nung pag-upo ko mayroon talagang ganyan. Nung inipit namin yung mga smuggled at nire-raid na namin ‘yung mga warehouse nabawasan yung supply,” paliwanag ni Marcos Jr.

“Kailangan namin ayusin yung NFA. Lahat ‘yan ung mga changes na ganyan hindi ganun kasimpleng gawin. May batas na kailangang palitan, mayroong mga taong kailangang palitan, ibang konsepto na. So ngayon lang namin nabuo lahat,” dagdag niya.

Sinimulang ipagbili ang P20/kg. na bigas sa ilang lugar sa bansa matapos ang ang halalan noong Mayo 12 at palalawigin pa ito kapag napirmahan na ang kasunduan ng Department of Agriculture at lokal na pamahalaan kung saan ibebenta ito para sa hatian sa subsidiya sa programa.

Marami na aniyang ipinatayong irrigation, pinagagawang dam at pinamigay na makinarya ang kanyang administrasyon kaya noong 2023 ang ani ng palay ang pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas, nalampasan pa noong 2024. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *