PAG-AARALAN ng Malakanyang, kasama ang wage boards, ang epekto sa ekonomiya ng P200 legislated wage hike sa minimum wage earners sa pribadong sektor na ipinasa ng Kamara.
“Ito lamang po ang mensahe ng Pangulo and I quote, “We will look at the economic implications of these and how to resolve these with the opinion of the wage boards since the wage boards are also the creations of the Congress,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.
“So, nais po ng Pangulo na maibigay kung ano po ang makakabuti sa mga manggagawang Pilipino. Titingnan ang lahat ng aspeto at ang concerns ng lahat ng stakeholders,” dagdag niya.
Hihintayin pa rin aniya ang magiging desisyon ng Senado sa nasabing panukalang batas.
“Pag-aaralan pa po ito at nandiyan pa po ang Senado. Hindi pa po natatapos sa Senado ang usapin na iyan,” sabi ni Castro.
“Katulad po ng sinabi ng ating Pangulo, titingnan po ang anumang economic implications patungkol po dito pero nais po ng Pangulo na maibigay ang nararapat at mas makakabuti sa manggagawang Pilipino,” paliwanag niya.
Kailangan mai-reconcile ng Kamara at Senado ang pagkakaiba ng kanilang bersyon sa wage hike bill hanggang Hunyo 13, ang huling session day ng 19th Congress, ratipikahan ito upang maipadala sa Malacanang bilang enrolled bill at lagdaan ni Marcos Jr, para maging isang batas. (ROSE NOVENARIO)