Sat. Aug 8th, 2026

DAPAT kondenahin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang mga alipores sa tusong paglalaro sa taimtim na hangarin ng mamamayang Pilipino na litisin si Vice President Sara Duterte at makitang pinananagot siya sa kanyang paglulustay sa pondo ng bayan at iba pang krimen, ayon sa Communist Party of the Philippines.

Sinadsaya ng rehimeng Marcos Jr. ang pag-antala sa proseso ng pagpapatalsik kay Duterte sa poder para sa areglohan ng mga bulok na rekasyonaryong pangkatin, anang partido.

“Sa hangaring mapanatili sa poder ang kanilang pamilya, nais ni Marcos na tuluyang durugin ang mga Duterte upang sagkaan ang balak ng kanyang karibal na makapanumbalik sa poder sa 2028,” sabi ng CPP sa inilabas nitong editoryal sa pahayagan nitong Ang Bayan.

“Subalit mistulang pinaglalaruan niya ang mamamayan sa pag-uurong-sulong ng kanyang mga alipures sa Senado…na nagpapahiwatig ng pag-aaregluhan ng mga bulok na reaksyunaryong pangkatin.”

Batid ng CPP ang mabilis na pagkalat ng apoy ng galit ng taumbayan sa mga tangkang pigilan ang paglilitis at panagutin si Sara Duterte.

Nakikita ng CPP ang tuluy-tuloy na pagkakahiwalay ng rehimeng Marcos sa mamamayan na dala na rin ng walang humpay na pagpapakatuta at pagpapahirap nito sa sambayanan.

“Walang ihahatid na ginhawa ang burukratang kapitalista, pasista at papet na rehimeng Marcos sa buhay ng sambayanang Pilipino,” ayon sa CPP.  “Sa gitna ng tumatalim na krisis, walang ibang mapagpipilian ang masang hirap at api kundi ang makibaka.”

“Itinutulak ng sitwasyon ang mga manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado at iba pang aping uri at sektor na magbuklod upang ipaglaban ang kanilang mga kabuhayan at mga demokratikong karapatan, at ituon ang kanilang galit at protesta sa rehimeng Marcos, sa imperyalismong US at mga pasistang galamay nito,” dagdag pa ng Partido.

Nananawagan ang CPP sa mga myembro nito na “umugat nang malalim” sa masang Pilipino para “pukawin at pakilusin ang masa, buuin ang kanilang solidong lakas sa anyo ng mga unyon at organisasyong masa, at gabayan sila sa kanilang mga pakikibaka.” #

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *