Sat. Apr 4th, 2026

“Wala na ba talagang natitirang kahihiyan ang mga opisyal ng gobyerno?” tanong ng iritadang lider ng Las Chismosas.

“Anyare?” sabay-sabay na tanong ng mga dinatnan niya sa umpukan.

May isang ”Senior Official” umano ng Palasyo ang pinagkakitaan ang “ticket dispensing machine” para sa isang binuhay at gustong pasikatin muling proyekto.

“Hindi raw dumaan sa bidding ang naturang machine na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso,” paliwanag ng nahimasmasang lider ng Las Chismosas.

Ang nasabing proyekto ay kinuha raw ng Senior Official mula sa Tanggapan ng Bossing ng Bayan Mo para ipamahala sa kagawaran na kanyang kinabibilangan.

Para mas malaki raw ang magiging hamig ni Senior Official dahil gusto pa niyang magkaroon ng regional hubs ang proyekto.

Upang maging disimulado ang diskarte ni Senior Official, masahol pa kay Malabanan kung sumipsip sa ‘amo’ ng Bossing ng Bayan Mo sa ginanap na inagurasyon ng proyekto.

“Mukhang hindi umubra ang sipsip ala-Malabanan na style niya dahil pina-imbestigahan pala ang kanyang background at latest na aktibidades,” dagdag sa kuwento ng isang miron.

CLUE:

Dati siyang socmed administrator ng isang ahensya ng nakalipas na gobyerno at nakatawid sa bakuran ng Bossing ng Bayan Mo sa tulong ng kanyang pamato na magkapatid na politiko na kilalang maiingay sa mga walang laban pero tameme sa isyu ng impeachment.

Nasibak siya sa unang nasungkit na puwesto ngunit nakatumbling pabalik dahil binitbit ng kasosyo sa negosyo.

Marami ang nagkamali sa pag-aakalang Tuod siya, ‘yun pala’y mabagsik pa sa leon sa mga ordinaryong kawani at malakas humigop ng pondo ng gobyerno sa mga pinanggalingan niyang puwesto.

“Ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo simula bukas,” ganyan daw ang linyahan niya sa mga walang kalaban-labang contract of service employee.

Kaya sa halip na “Forevermore” naging  “Hello, Lam, Goodbye” ang title nang kinabagsakan nang matayog niyang pangarap sa gobyerno.

‘Yun na!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *