HUWAG nang magtaka kung napag-iiwanan sa propaganda war ang Bossing ng Bayan Mo.
Talaga palang dispalinghado ang ilan sa mga natitira niyang opisyal na tagapangalaga ng propaganda machine ng “Seat of Power.”
Namataan ng batikang miyembro ng Las Chismosas sa makasaysayang hotel sa harap ng Manila Bay ang isang assistant secretary ng Palasyo na hindi tinanggap ang courtesy resignation.
Si Asec pala ay may importanteng pulong sa kanyang kliyente na isang talunang kandidato sa Mindanao.
Hindi pala isang simpleng tete-a tete ang nangyari dahil may props na camera at reporter na bitbit si Asec.
“Kitang-kita ko na ininterbyu si Talunang Kandidato ng reporter with matching tutok pa ng camera habang nakamasid sa kanila si Asec,” paglalahad ng batikang miyembro ng Las Chimosas.
Halos mahulog daw siya sa upuan nang magpakilalang “lawyer” si Asec kahit hindi naman.
CLUE:
Dati raw regular na humaharap sa camera si Asec bago napadpad sa Palasyo.
Akala ng iba ay mapapasama siya sa isang weird at korapchinang opisyal na sumibat na sa bakuran ng Bossing ng Bayan Mo kamakailan.
Malakas daw ang kapit ni Asec na kasing lakas ng hangin niya sa ulo lalo na kapag hinahagupit ng matatalas na salita ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno.
“Anong binatbat ng yelo sa napakalaking bukol na inabot ng reporter kay Asec? Hahaha” humahalakhak ang Batikang Las Chismosas member habaang palayo sa umpukan.
‘Yun Na!