Mon. Sep 28th, 2026

đŸ“·: Sina DPWH Assistant Secretary for Regional Operations Loreta Malaluan, dating Sen. Cynthia Villar, Isabelo Baleros, district engineer ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office (LPM DEO), at si Carlo Aguilar, natalong Las Pinas City mayoralty bet at pamangkin ni Villar.

 

PINAGPAPALIWANAG ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y hindi awtorisadong paglipat ng P450 milyong pondo para sa 27 proyekto sa lungsod, patungo sa ibang tanggapan ng ahensya, nang walang abiso o koordinasyon sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Santos, kanyang nadiskubre na si Isabelo Baleros, district engineer ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office (LPM DEO) ay sumulat noong Hunyo 9, 2025, kay Assistant Regional Director Montrexis Tamayo ng DPWH–National Capital Region, upang hilingin ang paglipat ng implementing agency ng mga proyekto mula sa district office papunta sa Regional Office-NCR.

Kabilang sa mga proyektong ito ang kontrobersyal na P140-milyong C5 Diversion Road sa Barangay Manuyo Dos—ang pinakamalaking alokasyon mula sa kabuuang P450.5 milyon, base sa mga dokumentong nakuha mula sa DPWH.

Ang kahilingang ito ay inaprubahan at nilagdaan ni DPWH Assistant Secretary for Regional Operations Loreta Malaluan at agad pinagtibay ni DPWH Secretary Manuel Bonoan noong Hulyo 15, 2025.

Ngunit iginiit ni Santos na ang desisyong ito ay hindi isinangguni o ipinabatid man lang sa alinmang sangay ng lokal na pamahalaan—kabilang na ang tanggapan ng alkalde, opisina ng kinatawan, city engineering office, at maging sa mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod.

Koneksyon at Kontrobersiya 

Lumabas rin sa ulat na si Baleros ay nanumpa bilang ganap na District Engineer noong Disyembre 1, 2022, isang taon matapos siyang maitalaga bilang Officer-in-Charge noong Oktubre 2021.

Sa mga larawan na nakalap ng Balitang Klik, madalas umanong makita si Baleros sa mga aktibidad ng DPWH kasama sina Malaluan, dating Senadora Cynthia Villar, at dating DPWH Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar.

Noong Abril 24, 2024, nang pormal na binuksan ang C5 Extension Quirino Flyover sa Las Piñas, muling nakita ang apat—Malaluan, Baleros, at ang mag-inang Villar—na magkakasama sa seremonya.

Noong pormal na binuksan ang 12-storey Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center noong Marso 17, 2025 sa Diego Cera Avenue, muli na namang namataan sina ex-Sen. Cynthia, Baleros, Malaluan, at Carlo Aguilar, na hindi pinalad sa kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod sa katatapos lamang na 2025 midterm elections.

“Ang tanong ngayon ng taumbayan: May nasimulan o natapos ba sa alinman sa 27 proyektong ito bago inilipat ang pondo?” tanong ni Santos.

Panawagan para sa Transparency at Accountability

Ayon kay Santos, nais ng kanyang mga nasasakupan na malaman kung sino ang nag-utos kay Baleros—maging ito man ay politiko o matataas na opisyal ng DPWH—na ilipat ang pondo nang walang anumang koordinasyon sa mga bagong halal na opisyal ng lungsod.

“Dahil sa kakaibang hakbang ni Engineer Baleros bilang isang lingkod-bayan, hinihiling ko ang isang written memorandum upang ipaliwanag kung bakit niya minadali ang paglipat ng multi-milyong pisong pondo sa ibang implementing agency,” giit ng mambabatas.

Nagbabala si Santos na kung patuloy na mananahimik si Baleros, maghahain siya ng resolusyon sa Kongreso upang magsagawa ng opisyal na imbestigasyon ukol sa kontrobersiyal na hakbang.

Tanong sa pondo ng C5 Diversion Road

Hamon pa ni Santos kay Baleros: “Bakit ang C5 Diversion Road sa Barangay Manuyo Dos ang binigyan ng pinakamalaking alokasyon na P140 milyon, kung wala namang malinaw na plano o aktwal na proyekto sa lugar?”

Lahat ng 27 proyekto ay bahagi ng Fiscal Year 2025 General Appropriations Act (GAA) sa ilalim ng Republic Act No. 12116, kabilang ang P140 milyon para sa C5 Diversion Road.

“Budget Insertion” o Misplaced Priority?

Iniimbestigahan na rin ni Santos kung ang P450.5-milyong pondo ay bunga ng isang “budget insertion” ng dating mambabatas. Aniya, ang pagkakaloob ng napakalaking pondo sa C5 Road ay isang malinaw na misplaced priority ng DPWH.

Ipinaliwanag rin ng mambabatas na ang mga congressional insertions, o tinaguriang “pork barrel funds”, ay karaniwang hindi bahagi ng opisyal na budget proposal ng Malacañang, kaya’t nararapat lamang na malinawan ng publiko kung saan talaga ito mapupunta.

“Ito ang mga tanong na kailangang sagutin agad ni Engineer Baleros. Hindi ito pwedeng balewalain.” pagtatapos ni Santos.  (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *