📷: Karapatan | FB
UMABOT na sa 27 ang kabuuang bilang ng mga bilanggong pulitikal na namatay habang nasa detensyon mula sa administrasyong Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte, hanggang sa kasalukuyang gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr., ayon sa human rights group na Karapatan.
Sa naitalang 27 nasawing political prisoners habang nakapiit, 3 sa panahon ni Aquino, 11 sa panahon ni Duterte, at 13 sa kasalukuyang administrasyon.
Kaya muling inihain ng Makabayan bloc, nina ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Rep. Renee Co, sa ika-20 Kongreso noong Hulyo 17 ang Antonio Molina Bill na layong amyendahan ang Republic Act No. 10389 o Recognizance Act of 2012.
Ayon sa mga progresibong mambabatas, ang patuloy na pagkakakulong ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na may edad o may malubhang karamdaman ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan at buhay.
Layunin din ng panukala na tiyaking natatamasa ng lahat ang kanilang konstitusyonal na karapatan sa piyansa (bail) at recognizance, anuman ang katayuang pang-ekonomiya at panlipunan.
Ang Antonio Molina Bill ay umaayon sa mga pandaigdigang pamantayan ng karapatang pantao at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pantay at makataong pagtrato sa mga PDL.
Binibigyang diin din nito ang hindi pagkakaiba ng trato sa mga kilalang personalidad—gaya nina Imelda Marcos at Juan Ponce Enrile na pinayagang makalaya bunga ng katandaan at mahinang kalusugan.
Sa pagsasaayos ng pamantayan sa pagbibigay ng piyansa at recognizance, layon ng panukalang ito na mabawasan ang bilang ng mga PDL na matagal nang naghihintay ng paglilitis, at sa gayon, mapagaan ang matinding pagsisiksikan sa mga pasilidad ng kulungan sa bansa.
Kasama rin sa mga probisyon ng panukala ang pagkilala sa natatanging pangangailangan at seguridad ng mga matatanda at may karamdaman sa loob ng mga kulungan.
Kasabay ng muling paghain ng Antonio Molina Bill sa Kamara, ay ang paggunita sa kawalang-hustisyang dinanas ng mga bilanggong pulitikal na may katandaan at malubhang karamdaman.
Hindi lamang sila pinagbawalan sa kalayaang nararapat sa kanila bunsod ng mga gawa-gawang kaso, kundi ipinagkait din sa kanila ang pagkakataong makasama ang kanilang mga pamilya habang sila’y humaharap sa mabibigat na suliraning pangkalusugan. (ROSE NOVENARIO)