Fri. Aug 7th, 2026

Ano nga ba ang meron sa proyektong ito, at bakit tila hindi ito matapos-tapos?

Mula pa noong naging kontrobersyal ang C-5 Road (Circumferential Road 5) Extension noong 2008, hindi na tumigil ang tanong ng mga residente ng Las Piñas:

Ano ba talaga ang meron sa proyektong ito, at bakit tila pursigidong kontrolin ito ng pamilya ni dating Senate President Manny Villar?

May pabirong hinala pa ang ilan: May nakabaong Yamashita treasure o Black Diamonds ba sa kahabaan ng C-5 Extension?

C-5: Isang sulyap sa kasaysayan

Nagsimula ang konstruksyon ng C-5 noong 1986, kung saan pinagsama ang mga bagong kalsada sa umiiral na ruta tulad ng Eulogio Rodriguez Jr. Avenue na itinayo pa noong dekada 1960.

Ang unang bahagi, mula South Luzon Expressway (SLEx) hanggang Ortigas Avenue, ay pormal na binuksan ni Pangulong Fidel V. Ramos noong Disyembre 30, 1994, na may kabuuang halaga na tinatayang ₱1.2 bilyon.

South Extension at ang aninong kontrobersya

Ang C-5 South Extension ay naging mitsa ng matinding kontrobersya matapos umano itong dumaan sa ilang pag-aari ng pamilya Villar—gaya ng Camella Homes at mga kalapit na real estate development.

Ang proyektong ito, na orihinal na kilala bilang Manila–Cavite Toll Expressway Project (MCTEP), ay kalaunang pinalitan at muling isinulong bilang C-5 Link South Expressway—na mas malapit sa mga lupain ng mga Villar.

₱200-M double insertion scandal

Noong Oktubre 8, 2008, naghain si dating Senadora Jamby Madrigal ng P.S. Resolution 706 matapos matuklasan ang dobleng alokasyon ng ₱200 milyon para sa C-5 Extension sa 2008 General Appropriations Act.

Kinumpirma ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Villar ang responsable sa naturang double insertion.

Ayon kay Madrigal, “Ginamit ni Villar ang kanyang impluwensiya upang ma-realign ang ruta ng proyekto sa mga lupain na siya rin ang may-ari.”

Nilinaw ni Madrigal na ang kanyang mga isiniwalat ay bahagi ng kanyang laban para sa mabuting pamahalaan. “Hindi ito personal. Isyu ito ng prinsipyo at integridad,” giit niya.

“C5 at Taga”: Mula Sipag at Tiyaga, sa batikos

Noong tumakbo si Villar sa pagkapangulo noong 2010, ginawang isyu ng kanyang mga kritiko ang C-5. Ang kanyang slogan na “Sipag at Tiyaga” ay tinuligsa bilang “C5 at Taga” — patama sa diumano’y pagkakakitaan niya mula sa right-of-way compensation.

Ayon sa Senate Committee of the Whole, ginamit ni Villar ang kanyang kapangyarihan upang idaan ang proyekto sa kanyang mga ari-arian, dahilan para tumaas ang halaga ng mga ito.

Ilang natapos nang proyekto sa ilalim ng C-5 corridor

Bago pa man masimulan ang kasalukuyang C-5 Diversion Road segment sa Las Piñas, may mga natapos nang imprastraktura:

  • C-5 South Extension (MCTEP) – 15 km na kalsada sa Las Piñas, Parañaque, at Pasay. May 10 tulay at 1 flyover. Pinasinayaan: 2016
  • Kaingin Service Road (CAVITEX–C-5 Link) – 2.2-km elevated flyover na nag-uugnay sa Parañaque at Taguig. Buksan: Hulyo 2019. Halaga: ₱7 bilyon
  • C-5 Link Flyover Extensions (Segments 3A-1 at 3A-2) – Mga elevated flyover na natapos noong 2019–2022 na nagdudugtong mula C-5 papuntang Merville. Halaga: Humigit-kumulang ₱8.8 bilyon
  • C-5 Extension Quirino Flyover – 680-metrong two-lane flyover sa Las Piñas. Inauguration: Abril 24, 2024, Halaga: ₱300.39 milyon.

Sa nakalipas na taon, bilyong piso na ang inutang at ginugol ng pambansang pamahalaan sa apat na malalaking proyekto patungo at palabas ng C-5 Extension Road.

Ngunit hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang paglalabas ng pondo — na pinapasan ni Juan de la Cruz. 

Kontrobersyal na ₱140-Milyong pondo sa Phase 4

Ang kasalukuyang pinagtatalunang isyu ay ang bagong ₱140 milyong pondo para sa C-5 Diversion Road – Phase 4 sa Barangay Manuyo Dos, Las Piñas.

Ayon kay Rep. Mark Anthony Santos, kahina-hinala ang biglaang paglipat ng ₱450 milyon sa ibang tanggapan ng DPWH—na aniya’y para sa mga proyektong hindi dumaan sa konsultasyon.

Ang ipinagtataka ni Santos ay kung bakit lagi nalang ang konrobersiyal na C-5 Road Extension ang binibigyan ng pinakamalaking alokasyon ng DPWH kung wala namang malinaw na plano o aktwal na proyekto sa lugar.

Ang 27 proyekto ng DPWH para sa Las Piñas ay nakasaad sa Fiscal Year 2025 General Appropriations Act o R.A. 12116.

Ani Santos, kung totoo ang ulat na ang kabuuang ₱450 milyong pondo para sa Las Piñas ay bunga ng insertion ng isang mambabatas sa pambansang budget ngayong taon, nararapat lamang na ipaliwanag ito sa publiko.

Giit niya, ang pondo para sa C-5 Road ay isang halimbawa ng misplaced priorities ng DPWH.

“Aanhin mo ang bagong kalsada kung palaging binabaha ang lugar at iilan lang naman ang pinapayagang dumaan dito? May mga motorista pang pinagbababawalan,” ani Santos.

Dagdag pa ng kongresista, dapat may managot at makasuhan sa korte kung taon-taon ay mayroong daan-daang milyong pisong budget insertions para sa mga proyekto sa Las Piñas na hindi man lang ipinaalam sa mga residente at sa lokal na pamahalaan.

‘Family Affair’ sa C-5?

Umugong ang isyu sa lungsod matapos maglaan ang DPWH ng panibagong ₱140 milyon para sa Phase 4 ng C-5 Diversion Road na matatagpuan sa Barangay Manuyo Dos.

Kahina-hinala ang mabilisang paglipat ng kabuuang ₱450 milyon pondo ng DPWH patungo sa ibang tanggapan ng ahensiya para sa mga proyektong hindi umano dumaan sa konsultasyon sa mga lokal na opisyal at residente.

Batay sa mga dokumentong nakalap ng Balitang Klik, ang Phase 3 ng C-5 Diversion Road ay kasalukuyang isinasagawa ng I&E Construction Corp., na pinamumunuan ni Carlo Aguilar, pamangkin ni dating Senadora Cynthia Villar. Natalo si Aguilar sa pagka-alkalde ng lungsod nitong Mayo 2025 laban sa kanyang kamag-anak na si April Aguilar.

Sa kontrata, nakasaad na ang proyekto ay nagkakahalaga ng ₱94 milyon at dapat matapos mula Pebrero hanggang Oktubre 2025. Gayunman, mayroon na umanong 6.17% slippage sa kasalukuyang status ng konstruksyon.

Maliban sa I&E Construction, si Aguilar rin ang managing officer ng Omnicon Builders/Motiontrade Development Corp., na may aktibong mga kontrata rin sa DPWH para sa iba’t ibang proyekto sa Las Piñas at karatig na mga lalawigan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *