📷: Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil |Kodao Productions
NANAWAGAN ang grupong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal na Kapatid sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa mga ulat ng panliligalig at pang-aabuso sa loob ng Tacloban City Jail Female Dormitory (TCJFD).
Sa isang pahayag nitong Sabado, ipinaabot ng Kapatid ang matinding pag-aalala sa mga sunod-sunod na ulat ng pagpapabaya sa medikal na pangangailangan, pagsikil sa karapatang bumisita at makipag-ugnayan, at umano’y pagtrato sa mga bilanggong pulitikal na sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil, pati na sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs) sa ilalim ng pamamahala ni Warden Eva Naputo at Senior Jail Officer 1 Dalmacio Canayong.
“Hindi lang ito usapin ng kapabayaang pang-administratibo—ito’y kapangyarihang walang habas. Nanawagan kami kay BJMP Director General Ruel Rivera na kumilos agad at makipagdayalogo sa mga apektadong pamilya,” ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid.
Kaakibat ng panawagan ng Kapatid ang reklamo ng Altermidya – People’s Alternative Media Network sa BJMP at sa Commission on Human Rights (CHR). Sa reklamo, tinukoy ang mga kaso ng pagtanggi sa agarang serbisyong medikal, pag-antala at arbitraryong pagbabawal ng mga pagbisita—pati ang sa mga diplomat at mamamahayag—at pakikialam sa komunikasyon ng mga abogado.
Binanggit din ng Altermidya ang masamang kalagayan sa loob ng bilangguan gaya ng tumutulong bubong, mga kuwestyonableng bayarin sa mga detenido, at ang kawalan ng regular na Family Day—isang mahalagang pagkakataon upang mapanatili ng mga PDL ang koneksyon sa kanilang mga mahal sa buhay.
“May legal at moral na obligasyon ang pamahalaan—at ang mga jail authorities bilang kinatawan nito—na siguraduhing walang sinuman, bilanggong nakakulong man o bisitang pamilya, abogado, diplomat, o tagapagtaguyod ng karapatang pantao, ang nakakaranas ng hindi makatarungan, diskriminatoryo, o di makataong pagtrato sa loob ng mga pasilidad ng detensyon,” ani Lim.
Bagaman kamakailan lamang ay ipinagbawal si Lim ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa matindi niyang pagtutol sa mga abusong patakaran sa National Bilibid Prison at Correctional Institution for Women, nanindigan siya sa kahalagahan ng dayalogo.
“Maaaring pinatahimik ako ng BuCor sa pamamagitan ng ‘permanenteng pagbabawal,’ pero hindi kami titigil sa panawagan para sa pagbabago,” giit ni Lim.
“Nanawagan kami sa BJMP chief na kumilos nang naiiba: maging bukas, makinig sa mga pamilyang apektado, at tunay na tugunan ang mga seryosong isyu sa loob ng ating mga kulungan.” (ROSE NOVENARIO)