📷: Gumuho ang bahagi ng Zapote River Drive sa gitna ng malakas na ulan noong Setyembre 1, 2024, dahilan upang matigil ang trapiko at magdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga residente. Ito ang sitwasyon matapos ang pagguho sa isang bahagi ng Zapote River Drive — kalsada na itinayo bilang bahagi ng ₱2.5-bilyong flood control project.
Sa halos tatlong dekada ng pagiging sentro ng kapangyarihang pampulitika at pang-negosyo sa Las Piñas, lumalakas ang tanong: ang pamilyang Villar ba ay tunay na naglilingkod sa lungsod o pinapalawak lamang ang sarili nilang kaharian?
Ang sinimulang political career ni dating Speaker at Senate President Manny Villar noong dekada ’80 ay sinundan ng unti-unting pagpapalawak ng kanilang mga negosyo, kasabay ng pag-usbong ng mga proyektong imprastraktura sa Las Piñas.
Sa kahabaan ng Zapote River Drive, na sinimulang itayo noong 2012 bilang flood control project, matatagpuan ngayon ang Villar Sipag Farm School, Villar Football Island Field, Villar Children’s Farm, at ang Dear Joe Café.
Ang kalsadang ito ay hindi lamang nagsilbing flood protection—ito rin ang nagbukas ng direktang access sa Portofino Heights, isang high-end subdivision na bahagi ng Vista Land ng pamilyang Villar.
Ang River Drive ay nagtatapos sa Daang Hari, eksakto sa tapat ng Evia Lifestyle Center, isa ring mall na pag-aari ng pamilya. Para sa ilang residente, tila mas naging pangunahing layunin ng proyekto ang pagkonekta sa mga negosyo ng pamilya kaysa sa pagbibigay ng lunas sa pagbaha.
Negosyong konektado sa road projects
Ang ikalawang bahagi ng proyekto—ang Las Piñas River Drive—ay dumaraan naman sa isa pang branch ng Dear Joe Café sa Barangay Pulanglupa Uno. Konektado rin ito sa kalsadang papunta sa Floriad Lifestyle Mall sa C-5 Extension—isa pang Villar-owned development.
Hindi rin ikinaila ni dating Senadora Cynthia Villar na sila rin ang nagmamay-ari ng dalawang kontrobersyal na tulay—ang Cavite Bridge at ang Dear Joe Bridge—na parehong nag-uugnay sa Las Piñas patungo sa pribadong subdivision sa Bacoor, Cavite.
Kapwa itinayo sa panahong si Mark Villar ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Kakulangan sa Transparency at Permit
Ayon kay Euan Rex Toralballa, dating pangulo ng BF Resort Homeowners Association, hanggang ngayon ay hindi malinaw kung ang mga tulay ay opisyal na proyekto ng gobyerno o pribadong inisyatiba.
“Sino ba talaga ang may-ari ng construction company? Pribado ba ito o konektado rin sa Villars? Baka naman ipinakitang ‘donation’ lang ang ₱35 milyon, pero ang totoo, para rin sa sariling negosyo,” ani Toralballa.
Dagdag pa niya, walang city permit mula sa Las Piñas at Bacoor ang mga proyekto nang itayo ang Cavite Bridge noong 2019.
“Paano naituloy ang proyekto kung walang permit? Dahil ba si Mark Villar ang DPWH Secretary noon? Binalewala nila ang batas—lokal man o pambansa—dahil ramdam nila ang kanilang kapangyarihan,” dagdag niya.
Katulad ng Cavite Bridge, ang Dear Joe Bridge ay hindi rin dumaan sa konsultasyon sa mga residente ng lugar. Masaklap, ayon sa mga lokal, ay ang paglala pa ng pagbaha sa paligid ng mga tulay—dulot ng pag-apaw ng Ilog Zapote at kawalan ng maayos na drainage planning.
“Hindi Villar City ang Las Piñas”
Sa gitna ng tumitinding public scrutiny, naglabas ng matapang na pahayag si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos:
“Hindi Villar City ang Las Piñas. Hindi puwedeng magpanggap ang pamilyang Villar na sila ang may-ari ng lungsod at puwede nilang balewalain ang mga lokal na batas.”
Ang ganitong deklarasyon ay bihira sa isang siyudad na halos matagal nang pinaghaharian ng iisang pamilya—kapwa sa politika at negosyo.
Kapangyarihan sa Ilalim ng Imprastraktura
Habang nananatiling kulang sa ebidensya ang ilang alegasyon ng conflict of interest, malinaw sa pattern ng land use, access roads, at flood control infrastructure na ang lokasyon ng mga proyektong ito ay pabor sa mga negosyo ng pamilya Villar.
Sa halip na magsilbi bilang pangkalahatang serbisyo publiko, tila ang mga proyekto ay mas nakatuon sa pagpapadali ng access sa mga real estate at komersyong pag-aari ng pamilya.
Ang mga tanong ng mga residente ay nananatiling walang sagot:
Kaninong interes ba talaga ang pinaglilingkuran ng mga proyektong ito?
Sino ang tunay na nakikinabang sa bawat kilometrong daang itinayo gamit ang pondo ng taumbayan?
P2.5-B proyektong ‘Flood Control’ palpak, umani ng batikos
Mahigit isang dekada at hindi bababa sa ₱2.5 bilyon ang ginugol, ngunit bigo pa rin ang pangunahing proyektong pangkontrol sa baha sa Las Piñas na pinangunahan ng pamilya Villar na lutasin ang problema sa pagbaha na siya mismong layunin nito.
Noong 2012, DPWH, sa pakikipagtulungan kay dating Senadora Cynthia Villar, ang konstruksyon ng Las Piñas-Zapote River Drive—isang multi-phase na imprastruktura na layuning bawasan ang pagbaha sa lungsod at linisin ang labis na maruming Ilog Zapote.
Ngunit kahit natapos na ito noong 2022, patuloy pa ring binabaha ang mga residente malapit sa ilog tuwing malalakas ang ulan at may bagyo.
Kamakailang ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nagsabing nananatiling malubhang marumi ang Ilog Zapote—na lalong nagpapalalim sa pagdududa sa bisa ng proyekto, kapwa sa aspeto ng kalikasan at inhenyeriya.
Batay sa 2024 ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), gamit ang flood hazard model ng UP NOAH, nananatiling nasa medium to high flood risk ang mga komunidad sa kahabaan ng Ilog Zapote—mula Barangay Pamplona Dos hanggang Pulanglupa Uno. Maaaring umabot sa leeg o tuhod ang baha sa panahon ng matinding ulan.
Aminado ang mga opisyal ng distrito na bagama’t nakatulong ang retaining wall sa pag-iwas ng pag-apaw mula sa ilog, ang pagbaha ay dulot pa rin ng pag-urong ng tubig mula sa baradong drainage matapos ang mga bagyo tulad ng Kristine noong Oktubre 2024.
Panganib sa kaligtasan
Bukod sa kontrol sa baha, layunin din ng River Drive na magbukas ng bagong daan at bawasan ang trapiko. Ngunit ayon sa ulat ng pulisya, may 101 aksidente sa kalsada ang naitala sa kahabaan ng River Drive mula 2022 hanggang 2023.
Mula Enero hanggang Agosto 2024, mahigit 40 pang aksidente ang naiulat.
Mas masahol pa, ang tinatawag na “maintenance road” na itinayo kasabay ng flood control infrastructure ay binuksan ng pamahalaang lungsod—pero para lamang sa mga pribadong sasakyan.
Ang daan ay dumadaan sa ilang mga subdibisyong pag-aari ng pamilya Villar at malalapit sa mga negosyo gaya ng Vista Land, kaya’t lumitaw ang isyu ng posibleng conflict of interest at piling-piling akses ng publiko.
Bilyones na gastos, kaunting pagsusuri
Pinondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act mula 2011 hanggang 2022, nahati ang proyekto sa ilang bahagi:
Phase 1: ₱2.42 bilyon para sa Zapote River Drive, mula C-5 Extension sa Pulanglupa I hanggang Evia Lifestyle Center sa Almanza Dos.
Phase 2: ₱120.76 milyon para sa Las Piñas River Drive, mula C-5 Extension hanggang CAA Road; natapos noong 2019.
Phase 3: Patuloy ang konstruksyon ng Molino River Drive sa Bacoor, Cavite.
Daan-daang Pamilya ang Apektado
Bagama’t walang opisyal na bilang, ayon sa mga residente, mahigit 500 kabahayan sa paligid ng Ilog Zapote ang nakaranas ng baha hanggang baywang sa mga bagyong tulad ng Carina (Hulyo 2024) at Egay (Hulyo 2023).
Isang lokal na mangingisda ang nagsabing hanggang baywang ang tubig sa Bernabe Compound. Karamihan sa mga pamilya roon ay hindi makalikas dahil hindi elevated ang kanilang mga bahay. (ROSE NOVENARIO)