Nanawagan si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ng agarang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (Republic Act No. 11203) dahil sa masamang epekto nito sa mga lokal na magsasaka at sa patuloy na hindi matatag na presyo ng bigas na nagpapahirap sa mga mamimiling Pilipino.
Ayon kay Santos, ang batas na pumalit sa mga dating “quantitative restrictions” sa pag-aangkat ng bigas at humalili ng taripa ay nagbunga ng pagdagsa ng murang imported na bigas na siyang pumalit sa lokal na ani. Dahil dito, bumagsak ang presyo ng palay sa bukid, at milyun-milyong magsasaka ang nawalan ng kita at kabuhayan.
“Ang ipinangakong benepisyo ng Rice Tariffication Law ay hindi natin naramdaman. Hindi bumaba nang husto ang presyo ng bigas, at lalong naghihirap ang ating mga magsasaka,” ani Santos.
Hinimok niya ang pamahalaan na ibalik ang tungkulin ng National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at sa pagpapanatili ng buffer stock upang makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng bigas sa merkado.
Ang batas na ipinasa noong 2019 ay naglalayong gawing malaya ang pag-aangkat ng bigas at makalikom ng pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Ngunit ayon kay Santos, hindi sapat ang tulong na naibibigay ng RCEF upang matumbasan ang pinsalang dulot ng malayang pagpasok ng imported rice.
Ayon pa kay Santos, ang RCEF na layong suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsasanay, binhi, at makinarya ay binatikos dahil sa mabagal na implementasyon at pagkaantala ng distribusyon. Nanawagan siya ng kumpletong audit ng pondo at pananagutan para sa mga kabiguang kaugnay ng batas.
“Kailangan nating amyendahan ang batas upang bigyang-prayoridad ang lokal na produksyon at seguridad sa pagkain. Hindi sapat ang kasalukuyang sistema. Kailangan natin ng batas na tunay na nagpoprotekta sa mga magsasaka at mamimili,” dagdag niya.
Ayon sa mambabatas, sobra na ang pagdepende ng Pilipinas sa imported na bigas—lalo na mula sa Vietnam at Thailand—na naglalagay sa bansa sa panganib sakaling magkaroon ng aberya sa pandaigdigang suplay at sa pagbabago ng patakaran sa kalakalan ng ibang bansa.
Hinimok ni Santos ang kanyang mga kapwa mambabatas na kumilos agad at repasuhin ang mga probisyon ng RTL. Aniya, ang kabiguang maipasa ang mga reporma ay magdudulot ng mas matinding hirap para sa parehong magsasaka at karaniwang Pilipino na hirap na sa tumataas na gastusin sa buhay.
Bilang bagong mambabatas, ipinahayag din ni Santos ang kanyang suporta sa panawagan ni Senador Erwin Tulfo para sa agarang legislative review o posibleng pagbabasura ng batas, kabilang na ang mga mungkahing reporma para buhayin muli ang papel ng NFA sa pagbili at pamamahagi ng bigas, at palakasin ang mga publikong mekanismo tulad ng mga “Kadiwa” outlet upang makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng bigas. (ROSE NOVENARIO)
