Fri. Aug 7th, 2026

Tinuligsa ni Renato Reyes Jr., lider ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ang aniya’y pinakamalalang trade deal” sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas, matapos ihayag ni US President Donald Trump ang bagong patakaran sa taripa: wala nang buwis sa produktong galing US habang 19% pa rin ang taripang ipinapataw sa produktong Pilipino papasok ng Amerika.

Ayon kay Reyes, hindi ito bunga ng patas na negosasyon kundi isang tahasang imposisyon. Hinamon niya ang administrasyong Marcos na ilantad ang buong nilalaman ng kasunduan, may kapalit ba ang naturang “pagbenta” sa ekonomiya ng bansa? Military aid ba mula sa US ang kabayaran?

Para kay Reyes, kung kapalit ng tulong-militar ang pagbebenta sa interes ng bayan, hindi ito tunay na alyansa kundi isang anyo ng *neokolonyalismo*.

Ipinunto rin ni Reyes ang aniya’y kahihiyang pag-upo ni Marcos bilang isang “sunud-sunuran” sa White House press conference, habang abala si Trump sa pagtalakay sa sariling agenda gaya ng deportasyon at pagbira sa nakaraang administrasyon sa Amerika.

Maging sa usapin ng planong ammunition facility sa Pilipinas, walang paliwanag mula sa dalawang lider hinggil sa banta nito sa tensyon sa rehiyon, lalo sa ugnayan sa Tsina.

Ironiko aniya na idiniin ni Marcos ang pagiging bahagi ito ng *independent foreign policy*, gayong malinaw kay Reyes na lalong pinapalalim nito ang pagiging palaasa ng Pilipinas sa US, mula sa armas hanggang sa direksyon ng panlabas na polisiya.

Ang pasilidad ng bala ay isang target para sa kaaway ng US at nagdadala ng mabigat na panganib sa kalikasan at lipunan, ayon sa kanya.

“The ammunitions facility also makes the Philippines a target of US foes and carries with it great social and environmental costs. Its existence is more for the interests of the US than the Philippines,” ani Reyes.

Sa harap ng lumalalang pakikialam ng US sa mga polisiya ng Pilipinas, nanawagan si Reyes sa taumbayan: “Magkaisa para ipaglaban ang pambansang soberanya. Iwaksi ang ilusyon ng ‘tulong’ mula sa imperyalistang kapangyarihan. Wala itong kaibahan sa kolonyal na ‘little brown brother’ retorika ng nakaraan.”

Inaanyayahan niya ang lahat na makilahok sa People’s SONA sa Pilipinas at sa ibayong dagat sa darating na Hulyo 28, 2025. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *