HINIMOK ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na imbestigahan at parusahan ang mga prosecutor na loyalista ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang panawagan ay ginawa ni De Lima kasunod ng direktiba ni Remulla kay Prosecutor General Richard Fadullon na iurong ang motion for reconsideration na inihain Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido Ocampo, Jr. at ng kanyang panel laban sa pagpapawalang sala sa kanya ng hukuman.
“Insofar as my case is concerned, they still answer to the Duterte cabal, like many in the government who are still loyal to FPRRD. By accepting promotions in exchange for their loyalty to Duterte, they have compromised their govt positions and continue to serve not the DOJ, but FPRRD,” ani De Lima sa isang kalatas.
Pinuri ni De Lima si Remulla sa pagtawag ng “katarantaduhan” sa galaw ng mga prosecutor, at sa desisyong siya na mismo ang hahawak sa kaso at maghahain ng dismissal.
Ibinahagi rin ni De Lima ang kanyang halos pitong taong pagkakakulong, dulot aniya ng “walang konsensyang” pag-uugali ng mga prosecutor na sangkot.
“Halos pitong taon akong ipinakulong sa tulong na rin at kooperasyon ng mga prosecutor na ito na tila ba walang konsensya sa pagyurak nila hindi lamang sa akin kundi sa ating sistemang legal,” wika ng mambabatas.
“Ganun na lang ba yun? If they are allowed to get away scot-free with what they have done, no one is safe. They should be made to account for what they have done,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)