NAGALIT si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang malaman ang isyu ng P142.7-B budget insertions ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero at iba pang senador mula sa P2.252 trillion national budget para sa 2025.
“Aalamin ni Presidente pagbalik. Nakarating na sa kanya, medyo ang pagkasabi sa akin ay nagalit daw,” sabi ni Sen. Tito Sotto sa panayam sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa True FM.
“Siguradong hindi niya (Marcos Jr) alam kasi kung alam niya yan, ibi-veto nya yan,” dagdag ni Sotto.
Ayon kay Sotto, determinado sila ni Sen. Panfilo Lacson na imbestigahan ang usapin kahit pa masagasaan ang mga kapwa nila senador.
Batay sa mga ulat, ang garapalang last-minute budget insertion ay inilaan umano para sa konstruksiyon ng mga proyektong may kinalaman sa flood control, road, bridge at health facilities. na karamihan ay nagdoble na.
Pangunahin sa listahan ng mga lalawigan na mabibiyayaan sa budget insertions na ginawa sa bicameral conference committee ay ang Bulacan, ang lugar ng kilalang kaalyado ni Escudero na si Sen. Joel Villanueva, na nakatanggap ng mahigit P12 bilyon.
Pangalawa sa listahan ay ang Sorsogon, na probinsiya ni Sen. Chiz, na naambunan ng mahigit P9.1 bilyon para sa mga proyektong imprastraktura.
Ayon pa sa ulat, mabibiyayaan din ang Mindoro ng P8.4 na bilyon; Batangas, P7.3 bilyon; Davao, P7.2 bilyon; Misamis Occidental, P6.5 bilyon; Quezon, P5.9 na bilyon; Cavite, P5.6 na bilyon; Valenzuela City, P4.2 bilyon; at Cebu, P4 na bilyon.
“Saan ka nakakita na ang isang lugar bibigyan mo ng P10-B para sa flood control eh kung sa Metro Manila sobra pa rin yun eh. Tingnan nyo naman ang nagyayari sa baha? Nasaan ang flood control nila? Nasaan yung bilyun-bilyon na nilagay sa flood control na yan?” tanong ni Sotto.
Napaulat din na maging si Sen. Bong Go, mahigpit na kaalyado ng mga Duterte, ay nabigyan ni Escudero ng mahigit P3-B para sa umano’y pagtatayo ng barangay health stations at super health centers.
Wala pang kumikibo sa mga senador na nadawit sa P142.7-B budget insertions. (ROSE NOVENARIO)