Fri. Aug 7th, 2026

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa ‘kulturang siga’ o ang paghahamon ng suntukan kapag nagagalit sa halip na idaan sa prosesong legal ang anomang usapin na nais bigyan ng solusyon.

“‘Yan ang kultura na gusto nating palitan. Justice or settlement of disputes should not be done fist-to-fist. The rule of law must prevail at all times,” sabi ni Remulla sa panayam sa DZMM sa isyu ng paghahamon ng suntukan ni Davao City acting Mayor Baste Duterte kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.

“Para mag-hamon ka ng suntukan, mayor ka pa naman ng pinakamalaking city sa Mindanao, anak ka ng dating pangulo, mataas ang tingin ng tao sa iyo tapos maghahamon ka ng suntukan, anong sasabihi ng mga bata? Na OK lang makipaghamon ng suntukan? Nagalit ka, sabihin mo suntukan na lang tayo. Dun ako nababahala, na ‘yung ehemplo natin sa kabataan ay nasisira,” paliwanag ni Remulla.

Kahit aniya pinahihintulutan ang freedom of speech, hinimok ni Remulla si Duterte na ayusin ang asta.

Sa halip aniyang maghamon ng suntukan, dapat ay tumulong na lamang si Duterte sa mga sinalanta ng bagyo.

“Ngayon pa na naghihirap ang mga tao, ang daming nasalanta, maghahamon siya ng suntukan…Tumulong na lang siya kesa maghamon ng suntukan,” he said.

Gayonman, duda si Remulla na matutuloy ang suntukan, kahit pa tinanggap na ni Torre ang hamon ni Duterte.

Depende na aniya kay Duterte kung itutuloy ang laban pero si Torre ang kakampihan niya.

“Sinabi ko naman sa inyo, bulldog ‘yun eh. Pitbull. Hindi umaatras ‘yun. Sobrang pagkalalaki nun,” pabirong wika ni Remulla. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *