Tue. Oct 27th, 2026

Mariing ipinagtanggol ni dating Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang paggamit sa salitang “Lumad” at iginiit na isa itong kolektibong pagkakakilanlan ng mga katutubo sa Mindanao at hindi pagtatangka na burahin ang kani-kanilang natatanging kultura, wika, at kasaysayan.

Sa isang pahayag, nilinaw ni Cullamat na ang “Lumad,” isang salitang Bisaya na nangangahulugang katutubo, ay tumutukoy sa 18 pangkat etnolingguwistiko sa Mindanao.

Aniya, ang katawagang ito ay umusbong mula sa mahabang kasaysayan ng sama-samang pakikibaka laban sa diskriminasyon, paglabag sa karapatan, pangangamkam ng lupang ninuno, at pagsasamantala sa likas na yaman ng kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin ni Cullamat na hindi magkasalungat ang pagkilala sa natatanging identidad ng bawat pangkat at ang paggamit ng isang kolektibong katawagan upang itaguyod ang kanilang mga karapatan bilang mga katutubo.

Ayon sa kanya, ang mas mahalagang usapin ay kung paano maipagtatanggol ang karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya, pagkakakilanlan, at mga lupang ninuno, sa halip na pagtuunan ng pansin ang paggamit ng salitang “Lumad.”

Muli rin niyang tinuligsa ang mga proyektong aniya’y nagdudulot ng pagkasira ng mga lupang ninuno, kabilang ang pagmimina, pagtotroso, pagtatayo ng mga dam, at iba pang malalaking proyektong pang-imprastraktura at pang-enerhiya na maaaring magpalikas sa mga komunidad ng mga katutubo.

Para sa mga katutubo, ani Cullamat, ang lupang ninuno ay hindi lamang pinagkukunan ng kabuhayan kundi sentro ng kanilang kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan. Aniya, ang pagkasira ng kagubatan, ilog, at kabundukan ay hindi lamang usapin ng kapaligiran kundi banta rin sa pagpapatuloy ng kanilang pamumuhay at kultura.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC), o malaya, pauna, at may sapat na kaalamang pahintulot ng mga katutubo, sa mga proyektong makaaapekto sa kanilang mga teritoryo.

Dapat aniyang ganap na makalahok ang mga komunidad sa mga desisyong may direktang epekto sa kanilang buhay at kabuhayan.

Bagamat kinikilala ang pangangailangan para sa kaunlaran, sinabi ni Cullamat na dapat masagot kung sino ang tunay na nakikinabang rito at kung anong halaga ang ipinapataw nito sa mga komunidad ng mga katutubo.

Nanawagan din siya para sa mahigpit na pagpapatupad ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) at iba pang proteksiyong nakasaad sa batas upang matiyak ang seguridad ng mga lupang ninuno, karapatan ng mga katutubo, at pangangalaga sa kalikasan.

 

“Ang tunay na pagkakaisa ay hindi pagbura sa ating pagkakaiba kundi pagkilala, paggalang, at pagtatanggol sa karapatan ng bawat pangkat ng mga katutubo,” ani Cullamat.

Mananatili aniyang bahagi ng kanilang paninindigan ang pagtatanggol sa sariling pagpapasya, mga lupang ninuno, at kalikasan para sa susunod na mga henerasyon.# (RRN)

By Web Dev