Sat. Oct 24th, 2026

Binatikos ni human rights lawyer na si Kristina Conti ang iniulat na ₱50-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na aniya’y lalo lamang nagpapakita ng kabiguan ng administrasyong Marcos na ipatupad ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Conti, ang napakalaking halaga ng pabuya ay patunay hindi lamang ng umano’y kawalan ng kakayahan ng gobyerno na maipatupad ang warrant, kundi pati na rin ng impluwensiya at suporta na patuloy na tinatamasa ni Dela Rosa.

“Ironically, putting a 50 million peso bounty on Bato Dela Rosa only highlights the incompetence of the Marcos administration in implementing the ICC warrant, before and now,” ani Conti.

Binalikan din niya ang umano’y pagkabigo ng mga awtoridad noong Mayo 2026 na arestuhin si Dela Rosa, sa kabila ng pagkakaroon ng warrant laban dito. Aniya, pinahintulutan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) na makaiwas sa pag-aresto ang senador.

Tinawag ni Conti na “nakagugulat” ang halagang ₱50 milyon, na posibleng pinakamalaking pabuya na inilaan para sa isang indibidwal sa bansa. Ayon sa kanya, katumbas ito ng kabuuang taunang kita ng humigit-kumulang 190 manggagawang Pilipino, batay sa 2024 Occupational Wages Survey ng Philippine Statistics Authority.

Kinuwestiyon din niya ang paggamit ng pondo ng bayan para sa paghahanap kay Dela Rosa, na isa pa ring halal na opisyal na tumatanggap ng sweldo mula sa kaban ng estado.

May “mapait na ironiya” umano sa sitwasyon dahil ipinakikita nito kung gaano kalaking yaman at rekurso ang nagagastos para sa isang kasong matagal nang dapat naiproseso sa ilalim ng umiiral na sistema ng hustisya.

Sinabi rin ni Conti na bagamat paulit-ulit na iginiit ni Dela Rosa na nais nitong gamitin ang lahat ng legal na remedyo, hindi pa umano nito direktang kinukuwestiyon ang warrant sa mismong hukuman na naglabas nito.

“Maari niyang hamunin ang warrant sa ICC mismo. Sa pagkakaalam namin, wala pa siyang inihahaing anumang mosyon doon,” ani Conti.

Dahil dito, hinimok niya si Dela Rosa na sumuko sa mga awtoridad at direktang humarap sa mga paglilitis ng ICC upang maiwasan ang karagdagang gastos at pagkaantala sa proseso.

Ayon kay Conti, makaaasa ang dating Philippine National Police chief ng pinakamataas na pamantayan ng paggalang sa karapatang pantao at due process sa harap ng ICC.

“To save time, money, and effort, he should surrender to Philippine authorities and directly engage in the ICC proceedings. There, he can expect the highest standards in human rights and due process. And that is priceless,” dagdag niya. # (RRN)

 

 

By Web Dev