Thu. Oct 22nd, 2026

📷: Former Bangsamoro lawmaker Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang

 

Itinuturing na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dating miyembro ng Bangsamoro Parliament na si Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang bilang umano’y utak sa likod ng nabigong pagtatangkang magpasok sa bansa ng P3.5 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa Laos.

Sa pagdinig ng Kongreso , sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na hindi lamang financier si Rimbang kundi siya rin umano ang nagplano at nagkonsepto ng pagpapasok ng 521 kilo ng shabu sa Pilipinas.

Ayon kay Nerez, si Rimbang umano ang nagbigay ng mga plano at tagubilin sa kanyang mga kasabwat at siya rin ang naglaan ng pondo para sa pag-charter ng pribadong eroplano na ginamit sa operasyon.

Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na si Rimbang ang financier ng buong operasyon kung saan nasamsam ng mga awtoridad sa Laos ang isang Philippines-bound private jet na may dalang 23 bagaheng kargado ng shabu.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang PDEA sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matukoy ang mga kontak at kasabwat na umano’y tumulong sa logistics ng smuggling attempt.

Hinala rin ng ahensya na may koneksyon si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil nagmula sa ibang bansa ang ilegal na droga. Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. # (RRN)

By Web Dev