Binigyan ng Korte Suprema ng 15 araw ang administrasyong Marcos Jr. para maghain ng motion for reconsideration kaugnay sa desisyon na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon kaugnay ng unprogrammed appropriations sa mga pambansang badyet.
Kinompirma ito ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting kasunod ng anunsyo ng Malacañang na naghahanda ang pamahalaan upang kuwestiyunin ang ruling sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.
Ayon kay Atty. Ting, hindi pa pinal at executory ang desisyon ng Korte Suprema at maaari pa itong hilngin na muling repasuhin sa pamamagitan ng motion for reconsideration.
Matatandaang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang P449.5-B na dagdag sa unprogrammedl appropriations sa 2024 national budget, gayundin ang P17.99-B dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 budget.
Idineklara rin ng Kataas-taasang Hukuman na unconstitutional ang ilang special provisions sa 2026 General Appropriations Act.
Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na hindi sinasang-ayunan ng administrasyon ang ilang bahagi ng desisyon dahil kumilos umano ang pamahalaan alinsunod sa batas.# (TAMMY QUIBRAL)