:DOTr / FB
Target ng Department of Transportation (DOTr) na maipatupad ang automated fare collection system (AFCS) sa buong EDSA Busway bago matapos ang 2026 upang mapabilis ang biyahe at gawing mas maginhawa ang pagbabayad ng pamasahe para sa mga pasahero.
Ayon kay DOTr Secretary Banoy Lopez, inatasan na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na obligahin ang mga bus operator na magbigay ng cashless payment options sa lahat ng istasyon ng EDSA Busway. Kabilang sa mga pinag-aaralang paraan ng pagbabayad ang stored-value cards, katulad ng ginagamit sa mga tren, gayundin ang mga electronic wallet tulad ng GCash.
Plano rin ng DOTr na magsagawa muna ng pilot implementation upang masubukan ang sistema bago ito tuluyang ilunsad. Iginiit ni Lopez na dapat interoperable ang magiging plataporma upang tanggapin ang iba’t ibang uri ng e-wallet at payment systems, habang may mga kiosk pa rin sa mga estasyon para sa paglo-load ng card at iba pang transaksyon.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi magreresulta sa dagdag-pasahe ang pagpapatupad ng AFCS at walang ipapataw na convenience fee sa mga pasahero.
Sa kasalukuyan, ginagamit na rin ng DOTr ang automated fare collection system sa LRT-2 at MRT-3, kung saan maaaring magbayad gamit ang Beep card, credit at debit cards, e-wallets, QR codes at NFC-enabled devices.#