Wed. Oct 21st, 2026

📷: Solicitor General Darlene Berberabe

Inutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Office of the Solicitor General na maghain ng motion for reconsideration sa desisyon ng Supreme Court hinggil sa unprogrammed appropriations sa 2024, 2025 at 2026 national budget.

“Magalang nating hinihiling sa Korte Suprema na muling suriin ang kanilang desisyon. Ipinag-utos na rin po sa Office of the Solicitor General na magsampa po ng motion for reconsideration,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Palasyo.

“Ang nilatag na kondisyon ng Korte Suprema na dapat malagpasan muna ang kabuuang koleksiyon sa kabuuang revenue target bago magamit ang unprogrammed appropriations, sa ating pananaw ay tahasang pagbabago ng mga kondisyong itinakda ng Kongreso bilang sangay ng pamahalaan na naatasan ng ating Konstitusyon na bumalangkas ng taunang  pambansang budget,” paliwanag ni Castro.

Simula aniya noong 2015 ay pinayagan ng Kongreso ang paglalabas ng pondo kapag lumagpas sa target ang koleksiyon mula sa kahit isang tinutukoy na non-tax revenue source alinsunod sa iba pang kondisyon ng batas at sinunod lamang ng administrasyong Marcos Jr. ang patakarang ito.

Sa desisyon ng Korte Suprema kamakalawa, “binaril” ang ilang probisyon sa national budget ng 2024, 2025 at 2026 matapos nitong ideklarang unconstitutional ang alokasyon sa mga halagang inirekomenda ni Marcos Jr.

Kabilang rito ang mga pagdaragdag ng Kongreso sa unprogrammed appropriations at ilang special accounts na naging dahilan upang lumampas ang mga nasabing alokasyon.

Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), idineklara ng High Tribunal na labag sa Saligang Batas ang ₱449.5 bilyong idinagdag ng Kongreso sa unprogrammed appropriations.

Idineklara ring labag sa Konstitusyon ang ₱17.99 bilyong idinagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 GAA.

Kinuwestiyon din ng SC ang karagdagang ₱12.75 bilyon sa ilang special accounts ng mga ahensya ng pamahalaan.

Gayunman, nilinaw ng mga mahistrado na hindi awtomatikong  mawawalan ng bisa ang lahat ng alokasyon sa pambansang badyet.

Ang mga probisyong partikular na idineklarang labag sa Konstitusyon ang siyang hindi maaaring ipatupad, alinsunod sa saklaw ng desisyon.# (RRN/ TAMMY QUIBRAL)

 

By Web Dev