Thu. Oct 22nd, 2026
Apollo Quiboloy

Kinompirma ng Department of Justice (DOJ) na nasa huling yugto na ng pagsusuri ng kanilang legal team ang extradition petition laban kay Kingdom of Jesus Christ (kOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Nausisa si DOJ Chief State Counsel Arvin Chan sa isang regular press briefing ukol sa estado ng extradition request ng bansang Amerika laban sa iba’t ibang kasong kriminal na kinakaharap ng pastor.

Sinabi ni Chan nasa huling yugto na ng pagsusuri sa mga dokumento bago tuluyang maisampa sa korte ang petisyon.

Umaasa ang DOJ na makapagbibigay sila bago matapos ang buwan ng Nobyembre ng panibagong update hinggil sa extradition petition.

Ayon kay Chan, nagpapatuloy ang pagberipika sa karagdagang impormasyon mula sa Amerika upang matiyak na tama at sapat ang factual allegations na ilalakip sa extradition petition.

Kailangan umanong masiguro na tama ang mga detalyeng ilalahad sa korte.

Pero hindi ito ang unang pagkakataong nagtakda ang Justice Department ng target para sa paghahain ng petisyon.

Noong Setyembre, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na layunin ng kagawaran na matapos ang evaluation sa extradition request sa loob ng dalawang linggo.

Pagsapit ng Oktubre, sinabi ulit ni Vida na nasa huling yugto na ng pagsusuri at legal scrubbing ang mga dokumento.# (TAMMY QUIBRAL)

By Web Dev