đź“·Former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV
NAKALAGAY na sa blue notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang limang dating matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) bilang mga suspect sa kasong crimes against humanity na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong drug war na ipinatupad ng administrasyong Duterte.
Kaya anomang oras na lumabas sila ng bansa, maaari na silang “kalawitin” para maobligang magbigay ng pahayag sa kinatawan ng ICC, ayon kay dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Batay aniya sa natanggap niyang impormasyon, kahit nasa blue notice ng Interpol ang isang suspect ay papayagan pa rin siyang lumabas ng bansa ngunit pagdating sa kanyang pupuntahang bansa, pipigilan siya ng immigration authorities at ipaaalam sa ICC ang kanyang presensya.
Ilalagay siya sa kustodiya ng immgration authorities hanggang dumating ang imbestigador ng ICC para kunin ang sinumpaang salaysay ng suspect, sabi ni Trillanes.
Ang limang suspect na tinutukoy ni Trillanes na nakalagay sa Interpol blue notice ay sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, dating PNP Criminal Investigation and Detection Group chief Major Gen. Romeo Caramat Jr., National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP chief intelligence officer Brig. Gen. Eleazar Matta.
“As far as I know, naibigay na po sa iba’t ibang, sa Interpol at naimpormahan na yung iba’t ibang bansa kasi selected po e, namimili sila kung ano yung bansa na most likely pinupuntahan, historically pinupuntahan, at doon nila ilalagay yung blue notice,” paliwanag ng dating senador.
“May blue notice na sila sa specific countries, yun po ang aking impormasyon sa lima na yan. Kaya po pag lumabas sila rito, makakalabas sila kasi hindi dito ilalagay, pero doon sa port of entry nung bansang pupuntahan nila, doon sila,” giit niya.
Nauna rito’y isiniwalat ni Trillanes na nagpadala ng request ang ICC sa Department of Foreign Affairs (DFA) para makapanayam ang naturang limang suspect. (ROSE NOVENARIO)