📷Bayan Muna chairman Neri Colmenares
IWAS-PUSOY pa rin sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pananagutan sa ipinatupad nilang madugong drug war na pumatay sa libu-libong inosenteng sibilyan.
No-show pa rin sina Duterte at mga opisyal ng PNP sa isinagawang pagdinig kahapon Committee on Human Rights ng Mababang Kapulungan bunsod ng inihaing resolusyon ng MAKABAYAN coalition (Rep. France Castro at Rep. Roaul Manuel) na imbestigahan at repasohin ang pekeng war on drugs ng administrasyong Duterte.
“How can we exact justice for the victims if those responsible do not appear in official government probes? Former president Duterte and other responsible PNP officials are still absent in yesterday’s hearing on his administration’s fake drug war which killed many innocent lives,” ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares.
“The Filipino people deserve to know the full extent of the atrocities committed under the guise of a ‘war on drugs’,” dagdag niya.
Dumalo sa pagdinig si Colmenraes bilang bahagi ng legal counsel (National Union of Peoples’ Lawyers) na kumakatawan sa mga pamilya ng mga biktima.
Naniniwala siya na ang mga opisyal ng pulisya sa panahon ng administrasyong Duterte ay may moral at legal na obligasyon na isulong ang katotohanan, hindi lamang para sa kanilang kapakanan, ngunit para sa libu-libong biktima at kanilang mga pamilya na patuloy na naghahanap ng hustisya.
Nagpunta rin para tumestigo si dating senador Leila de Lima, na biktima ng political persecution at gawa-gawang kaso kaugnay ng pekeng drug war at may mga indikasyon na marami sa mga pagpatay ay kasabwat o koordinasyon sa pulisya.
Umaasa si Colmenares na mabilis na maibigay ang hustisya sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga nasa posisyon sa pagpatay sa mga inosenteng Pilipino.
Tiniyak ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na ang resulta ng imbestigasyon ng komite ay maaaring gamiting ebidensya upang mapalakas ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon.
Sinagot ni Fernandez ang pahayag ni dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ronald Dela Roza na kinukwestiyon ang authority ng house panel sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa mambabatas, ang Kamara ay isang independent body.
Aniya, nakahanda sila na makipag tulungan sa international bodies partikular ang ICC.
Kaugnay nito, nadismaya si committee chairperson at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante hinggil sa hindi pagsipot nina Duterte at Dela Rosa.
Ayaw niyang maging one-sided ang komite kaya ginagawa nila ang lahat para maging patas ang kanilang pag-iimbestiga in-aid of legislation kaya’t patuloy na iimbitahan ang dating Pangulo at si Dela Rosa. (ROSE NOVENARIO)