NASAWI ang tatlong miyembro ng Armed Forced of the Philippines (AFP) sa isang engkuwentro sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Hulyo 11, ayon sa ulat ng Lucio de Guzman Command ng New People’s Army (NPA).
Sa artikulong ipinaskil sa Communist Party of the Philippines (CPP) website, sinabi ng NPA na tatlong sundalo mula sa 203rd Brigade ng Philippine Army (PA) ang napatay habang isang gerilyang NPA ang nasugatan.
Ayon sa NPA, ang 203rd Infantry Battallion ay naglulunsad ng “focused military operations” laban sa kanilang puwersa mula pa noong Hunyo sa mga bayan ng Mansalay at Roxas sa Oriental Mindoro at sa San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro.
Sa isang paskil sa kanilang social media page ay kinompirma na nagkaroon ng armadong engkuwentro sa NPA noong Hulyo 11 ngunit hindi binanggit na may mga nasawi sa kanilang tropa.
Anang AFP, nakakompiska sila ng isang assault rifle mula sa NPA.
Sa kabila ng pagpapakalat ng isang batalyong assault force, dagdag pa ang isang attack helicopter,sinabi ng NPA na matagumpay nilang naipagtanggol ang kanilang hanay at nagdulot ng pinsala sa kanilang kaaway.
Bilang ganti, ginawang target ng tropang militar ang mga lokal na magsasaka at katutubong Mangyan, ayon sa ulat ng NPA.
“Inaresto ng mga sundalo ang lider ng Sityo Lukban na si G. Itaw Ramunyan noong Hulyo 11. Sinundan ito ng pag-aresto sa dalawa pang Mangyan-Hanunuo sa Bulalacao,” sabi ng NPA.
“Sa harap ng terorismo ng estado ay lalong nagagatungan ang galit ng mga Mindoreño sa mga pasistang sundalo dahil sa paulit-ulit na panghahalihaw ng FMO at RCSP sa mga komunidad ng Mangyan at magsasaka,” giit ni NPA-Mindoro spokesperson Ka Madaay Gasic.
Idineklara niyang patuloy na lalabanan at bibiguin ng mga rebolusyonaryong Mindoreño ang mga pag-atake ng 203rd IBde bilang ambag nito sa pagbigo sa kampanyang supresyon sa buong bansa.
“Buo ang kapasyahan at puno ng kagitingan, nagpupunyagi ito sa landas ng paglaban dahil sa malawak na suporta ng mamamayan,” dagdag pa ng tagapagsalita.
Noong unang bahagi ng 2024, ipinagyabang ng AFP at ng kanilang commander in chief na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magagapi ng tuluyan ang NPA sa pagtatapos ng tapos.
Patuloy ang rekrutment
Ipinagmalaki naman ng CPP na nagpapatuloy ang matatag na pagrerekrut ng NPA at “tiyak na lalong bibilis pa sa mga darating na buwan at taon sa harap ng lumalalang pang-aapi at pampulitikang panunupil.”
Sa isang kalatas noong bisperas ng ikatlong State of the Nation Address ni Marcos Jr. noong nakalipas na linggo, sinabi ni CPP chief information officer Marco Valbuena na determinado ang sambayanang Filipino na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, ipagtanggol ang kanilang kabuhayan, at ipaglaban ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak, sa harap ng lalong brutal, tiwali, at mapang-aping papet na rehimeng Marcos.
“Nananaginip nang gising si Gen. Carlito Galvez sa kanyang deklarasyong ang bansa ay magiging “insurgency-free” sa loob ng tatlong taon. Simpleng pag-uulit ito ng mga deklarasyon na ginawa sa nakalipas na tatlumpung taon. Tulad ng dati, ang naturang mga pahayag ay mapatutunayang pawang paghahambog,” wika ni Valbuena.
Gumagamit aniya si Marcos ng mga taktika ng batas militar upang sugpuin ang paglaban ng mamamayan sa mga patakarang anti-mamamayan, anti-nasyunal at anti-demokratiko ng kanyang rehimen.
“Kamay-na-bakal ang gamit niya sa paghahari sa buong bansa, laluna sa kanayunan. Ang kanyang mga sundalong lasing sa kapangyarihan at madalas na lulong sa droga ay nagsasagawa ng mga ekstrahudisyal na pagpatay at iba pang krimen,” ani Valbuena.
Sa nakalipas na dalawang taon aniya ay hindi bababa sa 175 katao ang napatay ng mga armadong kampon ni Marcos, na karamihan ay mga magsasaka.
Inihalimbawa niya na noong Hulyo 8, pinagbababaril at pinatay ng mga sundalo ng 2nd IB ang magkapatid na sina Robert at Ronel Monsanto, 18 at 22, habang nagpapastol ng kanilang mga hayop sa Barangay Aguho, Esperanza, Masbate.
Habang noong Hunyo 5, pinaputukan ng 74th IB ang 11 magsasaka, kabilang ang pitong menor de edad sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar.
Kalaunan aniya ay dinampot sila at dinala sa isang kampo ng militar, at malisyosong iniugnay sa BHB. Ito ay ilan lamang sa mga kamakailang halimbawa ng brutal na anyo ng armadong panunupil ni Marcos laban sa mamamayan.
“Ang malupit na pamumuno ni Marcos ay nagtuturo sa taumbayan na sa pamamagitan lamang ng paghawak ng armas at pagsapi nila sa BHB mabisang maipagtatanggol ang kanilang buhay at maipaglalaban ang kanilang mga karapatan at adhikain,” pagtatapos ng tagapagsalita ng CPP.
Matatandaan noong Nobyembre 2023 ay naglabas ng joint statement ang Marcos Government of the Republic of the Philippines at ang National Democratic Front of the Philippines hinggil sa posibilidad na buhayin ang pormal na negosasyong pangkapayapaan upang wakasan ang armadong tunggalian ngunit mula noon ay hindi na nasundan ito ng anomang anunsyo mula sa magkabilang panig. (ROSE NOVENARIO)