DAPAT magbitiw sa puwesto si Solicitor General Menardo Guevarra “out of delicadeza” dahil naging taga-depensa siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim noon ng Department of Justice (DOJ).
Inihayag ito ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV kasunod ng aniya’y ‘malambot’ na interpretasyon ni Guevarra sa liham ng International Criminal Court (ICC) sa administrasyong Marcos Jr para makapanayam ang limang suspect sa isinasagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa madugong Duterte drug war.
“The way SolGen Guevarra interpreted ‘yung letter, parang ni-soften nya e. Hindi ganun ‘yun. Ito ‘yung due process, in-inform na sila na suspect na kayo, ‘di na kayo persons of interest therefore kailangan na kayo magbigay ng counter affidavit. ‘Pag hindi kayo nagbigay, it’s detrimental to your interest, sabi ni Trillanes sa panayam sa Storycon sa One News kanina.
Paliwanag niya, nilulunok na ngayon ni Guevarra ang mga naunang pagbabalewala sa ICC bilang Justice secretary ng administrasyong Duterte.
“Si Guevarra ay dating DOJ secretary ni Duterte, yan yung taga depensa no, if you will yung mga dating statements nya e wala raw patutunguhan yung ICC case, wala raw basehan, wala raw ebidensya etc etc, now nandiyan siya ngayon, nilulunok nya ngayon yung mga sinabi nya,” giit ni Trillanes.
Mako-kompromiso aniya mismo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil ang nakukuha niyang legal advice ay mula kay Guevarra na isang pro-Duterte cabinet secretary.
“But that guy compromised. Kung ako sa kanya, out of delikadeza, dapat mag inhibit sya or mag resign na sya altogether kasi mako-compromise po yung legal advice kay President Marcos dahil may pro-Duterte Cabinet secretary in the person of Guevarra.” (ROSE NOVENARIO)