📷Sen. Alan Peter Cayetano
SA paghahangad ng isang mas mahusay at inklusibong Public Transport Modernization Program (PTMP), naghain si Senator Alan Peter Cayetano, kasama ang iba pang mga senador, ng isang resolution na pansamantalang magsususpinde sa implementasyon nito.
Inihain ng mga senador ang Senate Resolution No. 1096 nitong July 30, 2024 upang bigyang-diin ang mga hinaing ng mga tsuper, mga unyon, at transport cooperatives para sa mas maayos na pagpapatupad ng PTMP, na dating kilala bilang ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa ilalim ng programa, ang mga individual operator ay inoobligang mag-”consolidate” o sumali sa mga kooperatiba at korporasyon para mas madaling maproseso ang kanilang bank loans na ipambibili ng modernized public utility vehicles.
Kinilala ni Cayetano at ng mga co-author niya sa resolusyon ang kalagayan ng mga apektadong “unconsolidated drivers” at sinabing ang mga ito ay pwersahang mawawalan ng kabuhayan lalo na at karamihan sa mga ito ay pagmamaneho lamang ang tanging kakayahan.
Sa pinakahuling deadline na itinakda ng Department of Transportation (DOTr) noong April 30, 2024 para sa pag-consolidate ng mga public utility vehicle (PUVs), 36,217 units o humigit-kumulang 19 percent ng mga jeepney at iba pang PUV ang hindi pa nakakasapi sa kooperatiba.
Isinaad sa resolusyon na marami pa ring mga unconsolidated unit dahil kulang sa information drive ang gobyerno upang maabisuhan ang mga driver, operator, at transport groups tungkol sa PTMP at dahil sa pasanin ng mataas na presyo ng modern PUVs, na labis sa kakayahang bayaran ng mga drivers at operators.
Bagama’t naniniwala si Cayetano at ang mga senador na kapuri-puri ang layunin ng modernization, iginiit nila ang mas masusing pagsusuri sa epekto ng programa.
“While the intent of PTMP is laudable, continuing with the Program without threshing out these concerns would go against the Constitutional directive of promoting social justice in all phases of national development,” pahayag nila sa resolusyon.
Nauna nang tinawag ni Cayetano na “one-size-fits-all” ang PTMP at hindi aniya isinasaalang-alang ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga lokalidad.
“Kung sa gamot walang cure-all, sa programa ng gobyerno lalo na in a country with more than 7,000 islands, wala namang one-size-fits-all,” wika niya.
Sinabi rin ni Cayetano na handang mag-modernize ang mga tsuper, transport groups, at cooperatives kung matitiyak ng pamahalaan na ito ay makakabuti at hindi ito makakaapekto sa kanilang kabuhayan.
“Basta ‘win-win’ ang sitwasyon, most drivers and operators ay papayag sa modernization,” aniya. (NINO ACLAN)