Tue. Dec 3rd, 2024

📷Sen. Ronald “Bato” dela Rosa 

 

MARARANASAN kaya ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang senaryong manlalaban sa mga awtoridad, gaya ng sinapit ng libu-libong napatay sa isinulong niyang Oplan Tokhang, kapag isinilbi sa kanya ng Interpol ang arrest warrant na ilalabas ng International Criminal Court (ICC) bilang pangunahing suspect sa crimes against humanity?

“Kung lalabas yung arrest warrant at ito’y ise-serve sa akin ng taga Interpol, I will not submit to their jurisdiction,” sabi ni Dela Rosa sa ulat ng One News PH.

Sinabi niya na ang kanyang pakiramdam, nalinlang siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na papayagan makapasok ang Interpol sa Pilipinas para isilbi ang arrest warrant mula sa ICC .

“Kung totoo yan na nagbago ang stand ng ating pangulo, I feel betrayed,” he said. “Kung talagang nagbago siya yung stand niya then — you know masama ang loob natin, normal naman yan e, normal naman yan sasama ang loob mo” ani Dela Rosa.

Tiniyak ni Dela Rosa na hindi tatalima sa ICC-issued arrest warrant na ihahain ng Interpol ngunit makikipagtulungan siya kapag hiniling ng international tribunal na makapanayam siya kahit hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon nito sa bansa.

Ibinunyag kamakailan ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na nagpadala ng opisyal na kahilingan ang ICC sa gobyernong Marcos Jr. para makapanayam ang mga suspect na sina Dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, dating PNP Criminal Investigation and Detection Group chief Major Gen. Romeo Caramat Jr., National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP chief intelligence officer Brig. Gen. Eleazar Matta.

Inilagay na rin aniya sa Blue Notice ng Interpol ang mga suspect.

“As far as I know, naibigay na po sa iba’t ibang, sa Interpol at naimpormahan na yung iba’t ibang bansa kasi selected po e, namimili sila kung ano yung bansa na most likely pinupuntahan, historically pinupuntahan, at doon nila ilalagay yung blue notice,” paliwanag ni Trillanes.

“May blue notice na sila sa specific countries, yun po ang aking impormasyon sa lima na yan. Kaya po pag lumabas sila rito, makakalabas sila kasi hindi dito ilalagay, pero doon sa port of entry nung bansang pupuntahan nila, doon sila,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *