Sun. Nov 24th, 2024

PERSONAL na naghatid ngayong araw si Senador Lito Lapid ng financial assistance  at family food packs para sa mga mangingisda sa Masinloc,  Zambales na nawalan ng kabuhayan dahil sa fishing ban ng China sa West Philippine Sea.

Sa inisyatiba ni Lapid, nabiyayaan ng ayuda at family food packs mula sa DSWD ang mahigit sa 600 mangingisda at market vendors na apektado ng ilegal fishing ban na ipinatupad ng Tsina sa ating Exclusive Economic Zone mula noong June 15, 2024.

Bukod sa relief goods, namahagi rin  ang Senador ng tig-3,000 pesos kada mangingisda at vendors para sa  pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Naglaan din ang tanggapan ni Lapid ng P1-milyon para sa ayuda sa mga mangingingisda sa Masinloc, Zambales.

Base sa datos ng munisipyo, mahigit sa 3,000 mangingisda ang naapektuhan ng fishing ban sa buong Masinloc.

Nagpasalamat si Lapid sa mainit na pagsalubong at magiliw na pagtanggap sa kanya ng mga taga-Masinloc kaakibat ng pangako na muli syang maghahatid ng tulong sa kanila.

Inaasahan ng Senador na kahit na konti ang naibigay nyang tulong pinansyal at relief goods ay makatutulong ito sa kanilang pangangailangan.

Abot-abot naman ang pasalamat ng  mga benepisyaryo kay Lapid sa kanyang pagdalaw at napapanahong  ayuda sa kanila.

“Malaking tulong po ito sa aming mangingisda na nawalan ng hanapbuhay at natatakot po kaming mamalakaya sa Bajo de Masinloc dahil sa banta ng China sa amin, Maraming salamat kay Sen. Lapid dahil sa iyong malasakit at pag-bibigay ng panahon sa aming mahihirap. Hulog ka ng langit sa amin, Supremo!,” ayon sa isang benepisyaryo

Sinabi naman ng isa pang benepisyaryo, hindi nila makalilimutan si Sen. Lapid dahil sa tulong na kanyang ibinahagi sa mga market vendor na apektado ng inflation at kawalan ng kita dahil sa fishing ban ng Tsina sa Panatag shoal.

“Halos nawalan na kami ng kita. nagdidildil na lang ng asin ang aming pamilya para lang makatawid sa gutom na aming nararanasan. Sana may magawa po ang gobyerno natin na mabawi ng Tsina ang fishing ban at makabalik kami sa Bajo de Masinloc,” dagdag pa ng isang mangingisda.

Nagpaabot naman si Mayor Senyang Lim ng buong suporta kay Lapid na anya’y anak ng labandera at stuntman, batikang artista at walang bahid ng korapsyon ang pagseserbisyo sa publiko sa nakalipas na 30 TAON. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *