Sun. Nov 24th, 2024

LALO pang lumakas ang loob ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro na ipursige ang kanyang senatorial bid sa 2025 midterm elections bunsod ng kaso ng “Talaingod 13.”

“Hindi naman ito nagbigay ng takot sa akin para tumakbo. In fact, sinasabi ko nga na lalo pa akong lumakas ang loob dahil alam ko marami talaga ang sumusuporta o nag-a-approve sa mga ginagawa natin lalong-lalo na sa education, lalong lalo na sa kapakanan ng ating mga guro at ating mga estudyante,” pahayag ni Teacher France sa panayam sa Altermidya.

Si Castro, kasama si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at 11 iba pa, o ang tinaguriang “Talaingod 13” ay naghain ng kanilang notice of appeal sa Davao regional trial court na humatol sa kanila ng guilty sa kasong child abuse kaugnay sa isang 2018 rescue mission para sa mga estudyanteng lumad at mga guro sa Talaingod, Davao del Norte.

Naniniwala si Teacher France na ang kanyang pagsiwalat sa confidential funds ng iba’t ibang ahensya, partikular kay Vice President Sara Duterte, ang ugat ng kanilang sinapit sa kaso ng “Talaingod 13.”

“Well, mukhang iyon ang puno’t dulo ng lahat, kami sa Makabayan ang nag-expose nitong confidential funds ng mga ahensya lalong-lalo na kay Vice President Sara Duterte, so ang laki na talaga. So mukhang ito ang ikinagalit na ng husto ng mga Duterte sa amin, sa akin, sa Makabayan,” paliwanag ni Teacher France.

Nanawagan siya sa mga kapwa guro na suportahan ang adhikain ng mga lumad at ng mga napababayaang sektor sa lipunan.

“Tayo po bilang mga guro, dapat nating suportahan itong mga ganitong adhikain ng mga lumad, ng mga marginalized sector,” aniya.

“Hindi tayo dapat tumigil, panghinaan ng loob na talagang isulong itong mga karapatan na ito dahil matagal nang napagkaitan talaga ng karapatan sa edukasyon at iba pang mga serbisyo itong mga Lumad natin,” wika ni Teacher France.

Makakasama ni Teacher France sa 2025 Makabayan senatorial slate sina Gabriela Women’s patylist Rep. Arlene Brosas at Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *