Sun. Nov 24th, 2024

📷 Former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV

 

UBOS na ang mga baraha ng kampo ng mga Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang inihayag ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV matapos maging ‘kuwitis’ ang inaasahang ‘pasabog’ na polvoron video na inilabas mismo sa araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr. noong Hulyo 22.

“Sinagad na nila ang lahat ng baraha nila eh. ‘Yung huling alas nila was the polvoron video na sinasabi na nag-flop naman. ‘Yun na ‘yun,” sabi ni Trillanes sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra.

Bago aniya ang polvoron video, na nagpakita ng isang lalaking kahawig ni Marcos Jr. na gumagamit ng illegal drugs, inilarga ng kampo ni Duterte ang PDEA leaks na hindi rin kinagat ng publiko.

“Before that ‘yung PDEA Leaks so kumbaga nagti-teaser sila. They were hoping it will build-up. Talagang contrived , hindi genuine ang build-up,” paliwanag ng dating senador.

Matatandaan nagsagawa ng pagdinig sa Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang busisiin ang lumutang na dokumentong tinaguriang PDEA Leaks, na nagsasad na dating nasa drug watch list umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Marcos Jr. noong 2012 ngunit nabistong wala itong konkretong basehan at itinanggi mismo ng naturang ahensya ang dokumento.

Ayon kay Trillanes, bagama’t kapansin-pansin ang muling pagdami ng troll farms na pinaniniwalaang ang nasa likod ay kampo ng mga Duterte, hindi na ito kasing epektibo gaya noong panahon na nasa Malakanyang pa ang kanilang patron.

“Pero noticeable ‘yung troll engagement. Parang late last year, first quarter this year hindi gaanong marami pero ngayon parang nag-invest sila talaga sa mga troll farms. Hindi na ganoon as effective during their time,” giit niya.

Ang mga kasalukuyang kaganapan aniya gaya ng pagkawasak ng umano’y “criminal enterprise,” pagbalasa sa pulisya sa Davao City, pagsampa ng plunder case laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher ‘Bong” Go, drug smuggling case laban kina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Atty. Mans Carpio at iba pang umano’y kasabwat nila, at nakaambang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), ang nagdudulot umano ng “sleepless nights and paranoia” sa kampo ng dating pangulo.

“More to come,” babala ni Trillanes. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *