Thu. Mar 26th, 2026

Handa ang Office of the Ombudsman na ipasa sa Kongreso ang lahat ng Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes.

“It’s part of the constitutional process that we have… and we just abide by the rules when it comes to impeachment proceedings,” ani Remulla sa isang media briefing.

Nauna nang naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice para sa SALNs ni Duterte mula 2007, kabilang ang panahon niya bilang mayor at vice mayor ng Davao City.

Sinabi ni Remulla na nakipag-ugnayan na rin ang kanyang tanggapan sa opisina ng House secretary general upang makuha ang SALNs ng mga mambabatas.

Nagbabala siya na maaaring managot ang mga ahensya kung hindi susunod sa kahilingan ng Ombudsman.

Nagsimula na nitong Miyerkoles ang impeachment hearing proper, kung saan hindi dumalo si Duterte at ang kanyang 16 na abogado. Tinawag na “media narrative” at “fishing expedition” ng bise presidente ang proseso.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, pinagsama-sama na ang mga reklamong inihain laban kay Duterte, kabilang ang mula sa civil society groups, dating Sen. Antonio Trillanes IV, at mga referral mula sa Kamara.

“We are looking at the allegations and we are verifying everything that is written in those complaints,” ani Clavano.

Kasama ang alegasyon ni Ramil Madriaga na tumanggap si Duterte ng campaign funds mula sa ilegal na offshore gaming at drug trafficking operations, bagay na itinanggi ng bise presidente.

“We want to make sure na isa-isa muna kasi marami namang overwhelming. When we talk about witnesses like that kailangan ‘yan, alagaan i-develop mo para lumabas yung talagang katotohanan,” dagdag ni Clavano.

Sinabi rin niyang binabantayan ng Ombudsman ang mga kaganapan sa Kamara at maaaring isumite kalaunan ang sariling findings ng kanilang imbestigasyon. # (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *