HINDI nakatulong ang defense witness na si Atty. Rainier dela Fuente na tibagin ang testimonya ng prosecution witness na may umano’y P817-M unexplained wealth si Vice President Sara Duterte, ayon kay dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Domingo Cayosa.
“Marami kasing inaamin pa rin yung testigo ng defense na pabor doon sa prosecution, lalong lalo na noong na-cross examine siya,” sabi ni Cayosa sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
“Yung mga pinagsasabi niya , parang inaffirm niya testimonya at resulta ng expert evaluation ni atty. Cabrera. Hindi niya direktang sinabi mali o kaya inaccurate o kaya false o faulty yung kanyang mga paggamit nung mga records ng bangko/AMLC,” ani Cayosa.
Natawa naman at bumibilib si Cayosa sa pagpirisinta ng defense panel sa video clips ng mga namayapa na sina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Chief Justice Renato Corona.
“Ako ay natawa at nabilib talaga ako sa creativity ng mga defense counsels. Kumbaga nagawa nilang magprisenta ng ebidensya from the grave,” wika ni Cayosa.
Nagtaka si Cayosa na nailusot ito ng defense panel at pinahintulutan ng impeachment court, na sa karaniwang korte ay hindi uubra.
“Nailusot nila yun eh. Normally hindi pwede yung ganun but tinanggap ng korte,” giit niya.
Gayonman, naniniwala si Cayosa na hindi sapat na nailusot ito at maaari pa ngang mag-backfire sa defense panel.
“Tuloy, ang tinatanong ng taong bayan, “yun pala gusto niyong ipahiwatig eh bakit hindi niyon a lang paupuin sa witness yung akusado, kagaya ni Corona?” aniya. # (ROSE NOVENARIO)