Fri. Nov 20th, 2026

Bagama’t malaking problema sa pamahalaan ang korapsyon, hindi ito dapat ituring na kumakatawan sa lahat ng nasa serbisyo publiko dahil may mga “exception” sa bawat antas at sangay ng pamahalaan, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.

Ginawa ni Lacson ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Vice President Sara Duterte-Carpio nitong Miyerkules na malalim nang nakaugat sa DNA ng pamahalaan ang korapsyon.

“I beg to disagree. Such a statement is far too sweeping. Corruption may exist across the bureaucracy, but it does not define everyone. There are exceptions at every level and in every branch of government – the Executive, the Legislature, and the Judiciary,” ani Lacson sa isang post sa X.

Si Lacson, na may mahigit limang dekada nang karanasan sa serbisyo publiko mula pa noong 1971 bilang alagad ng batas at mambabatas, ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga kapwa lingkod-bayan na kapareho niya ng paninindigan upang labanan ang krimen, korapsyon at iba pang uri ng katiwalian.

Sa isang post sa kanyang social media account nitong Miyerkules, sinabi ng Bise Presidente na bagama’t pangarap niyang makamit ang mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino, nananatiling malaking hamon ang korapsyon.

Inilarawan niya ang korapsyon bilang isang “progressive disorder that has embedded itself deep within the DNA of the government—and tragically, it is the Filipino people who are left to suffer the consequences.”

Ang Bise Presidente ay kasalukuyang nahaharap sa impeachment trial sa Senado kaugnay ng mga alegasyong kabilang dito ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman. Itinanggi niya ang mga paratang.#

By Web Dev