📸: Southern Tagalog Exposure / FB
Magbubukas ng panibago at mas malawak na larangan ng laban ang kampanya kontra Pax Silica matapos ihayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babes” Romualdez na isasabatas ang pagpapatupad ng nasabing inisyatiba, ayon kay Bayan president Renato Reyes Jr.
Sa isang pahayag, tinukoy ni Reyes ang panayam ni broadcaster Ted Failon kay Romualdez kung saan sinabi ng ambassador na daraan sa lehislasyon ang Pax Silica at hindi lamang sa pamamagitan ng executive action.
Ayon kay Reyes, nakabinbin na sa Kamara ang isang panukalang batas na inihain ng mga mambabatas mula sa National Unity Party (NUP) bilang suporta sa Pax Silica, bagaman wala pang katumbas na panukala sa Senado.
“Binubuksan nito ang panibago at mas malawak na larangan para sa kampanyang kontra-Pax Silica,” ani Reyes.
Kinuwestiyon niya ang hakbang na gawing batas ang kasunduan, na aniya’y magbibigay ng pormal na basbas ng Kongreso sa isang “baluktot na kasunduan.”
“Bibigyang-matuwid ng mga korap na mambabatas ang baluktot na kasunduan. Hindi tayo papayag,” saad niya.
Ang pahayag ni Romualdez ay isa sa pinakamalinaw na indikasyon sa ngayon na nais ng gobyerno na magkaroon ng lehislatibong suporta para sa Pax Silica, isang inisyatibang suportado ng Estados Unidos na ayon sa mga tagapagtaguyod nito ay magpapalakas sa papel ng Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng semiconductor at microchip.
Patuloy namang tinututulan ng ilang progresibong grupo ang inisyatiba, na anila’y may implikasyon sa pambansang soberanya, kalikasan at patakarang pang-ekonomiya, at nangakong lalabanan ang anumang panukalang batas na magpapatibay rito. # (RRN)