Fri. Mar 27th, 2026

Takot na lumabas ang ebidensya, lalo na si Ramil Madriaga.

Ito ang naging reaksyon ng public interest lawyer na si Jesus Falcis sa kahilingan ng mga kaalyadong abogado ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema na ipatigil ang impeachment proceedings sa House Justice Committee.

“Mapa House o mapa Senado, ayaw talaga nilang lumabas ang ebidensya. Lalong lalo na si Ramil Madriaga,” ani Falcis sa kanyang Facebook post.

Ayon naman kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, sa paghingi ng tulong sa Supreme Court ng mga pro-VP Sara lawyers: “Kabado Malala.”

Habang “Duwag!” ang maikli ngunit matalim na reaksyon sa social media ni political pundit Ronald Llamas.

Si Madriaga ay ipinatawag ng komite sa susunod na pagdinig Abril 14 para ihayag ang mga nakasaad sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Ombudsman hinggil sa nalalaman niya tungkol kay VP Sara.

Sa petisyong inihain sa Korte Suprema para maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa impeachment case ni VP Sara, sinabi ni Atty. Torreon na ang kanilang hakbang ay bilang mga taxpayer at hindi bahagi ng legal team ng bise presidente.

“The Constitution grants the House the sole power to initiate impeachment, but that power is not absolute,” saad sa petition.

“It is bounded by law, by due process, by the Committee’s duty to dismiss complaints that fail the required threshold tests, and by prohibition against converting impeachment initiation into a roving inquiry designed to build, rather than merely evaluate, a case,” dagdag pa nito.

Si Torreon ay dati ring nagsilbing abogado ng kampo ng mga Duterte sa ilang petisyong isinampa sa Kataas-taasang Hukuman.

Matatandaan na idinulog din ni VP Sara sa Korte Suprema ang unang impeachment case laban sa kanya noong nakaraang taon, kung saan isa sa kanyang argumento ay hindi siya nabigyan ng due process para maipahayag ang kanyang panig, na pinagbigyan naman ng Kataas-taasang Hukuman.

Kaya ngayong taon, binigyan siya ng House Justice Committee ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon sa impeachment complaints na isinampa laban sa kanya. Ngunit hanggang ngayon, tumatanggi pa rin si VP Sara na kilalanin ang proseso. # (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *