📷: BAYAN | FB
Matinding pagkukunwari at oportunismo ang paggamit ni Vice President Sara Duterte sa kasalukuyang krisis sa langis bilang dahilan upang hindi sumipot at ipahinto ang mga pagdinig ng House Justice Committee sa mga impeachment complaint laban sa kanya, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
Ayon sa grupo, ang mga opisyal ng pamahalaan na gumagamit ng krisis bilang palusot ay lalo lamang nagpapakita ng kawalan ng pananagutan at korupsiyon.
Para sa BAYAN, tahasang paghamak ito sa panawagan ng taumbayan para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.
Iginiit ng BAYAN na ang pagtanggi ni Duterte ay malinaw na desperadong pagtatangka upang ipagpaliban at guluhin ang proseso ng impeachment.
Binanggit ng grupo na walang exemption ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo upang iligtas si Duterte sa pananagutan sa mga mabibigat na krimen na umano’y ginawa laban sa sambayanang Pilipino.
Dagdag pa ng BAYAN, ang impeachment laban kay Duterte ay hindi nangangahulugang hindi na dapat tugunan ang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
Sa halip, lalo nitong binibigyang-diin ang pangangailangan na mabawi ang nakaw na yaman ng mga tiwaling opisyal, i-realign ang pondo mula sa pork barrel at confidential funds tungo sa serbisyong panlipunan, at ilipat ang badyet mula sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control upang magbigay ng agarang tulong sa mga manggagawa sa transportasyon, mga nawalan ng hanapbuhay na migranteng Pilipino, at iba pang sektor na labis na tinamaan ng krisis sa langis. # (ROSE NOVENARIO)