Isisiwalat ng umano’y limang dating kasamahan ng 18 ex-Marines ang katotohanan sa likod ng isyu ng rebelasyon ng male-maletang pera na mula kay dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Ito ang inihayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV matapos sampahan ng reklamong cyber libel ang 18 ex-Marines bunsod ng akusasyong tumanggap siya ng $2 milyon mula kay Co para sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na nagpunta sa bansa noong 2023.
“So inalukan din ng pera para lumabas pero hindi nila tinanggap,” aniya hinggil sa mga lilitaw na mga dating kasamahan ng 18 ex-Marines sa mga susunod na linggo.
Babaligtad din aniya ang ilan sa 18 ex-Marines ngunit hindi niya tinukoy ang pinangggalingan ng kanyang impormasyon.
Tiniyak ni Trillanes na bawat panayam sa media ng 18 ex-Marines ay may kaso siyang isasampa laban sa kanila.
“Bunga ng kanilang mga interviews after ng kanilang presscon a few weeks ago. So bawat interview na lalabas nila, makaka-expect sila ng kaso laban sa kanila,” aniya.
Kasama rin sa mga inasunto ni Trillanes ang SMNI hosts na sina Byron “Banat By” Cristobal, Oliver “Coach Oli” Cristobal, “Master Judea” at Arjay Piodina.
Matatandaan na sinampahan niya ng reklamong perjury ang mga dating marines at cyber libel complaint laban kina Atty. Levi Baligod, dating congressman Mike Defensor, dating broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, at vlogger Cathy Binag.# (RRN)