Muling nanawagan ang Communist Party of the Philippines (CPP) na wakasan ang tinawag nitong “paghahari ng mga magnanakaw” sa pamahalaan sa pamamagitan ng “pambansang demokratikong rebolusyon” at pagtatatag ng “demokratikong gobyerno ng bayan.”
Sa isang pahayag, binatikos ng CPP si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na umano’y nagkamal ng yaman mula sa burukratang kapitalismo habang hawak ang kapangyarihan sa House Committee on Appropriations mula pa noong 2016, sa ilalim ng administrasyon nina Rodrigo Duterte at Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa CPP, ang pagbubunyag ni Co na si Marcos Jr. mismo ang nag-utos ng pagsingit ng ₱100 bilyong halaga ng mga proyektong pang-imprastruktura at unprogrammed appropriations ay patunay sa matagal nang paniniwala ng mamamayan na si Marcos Jr. ang “Hari ng Burukratang Kapitalista at Panginoon ng mga Magnanakaw.”
Dagdag pa ng grupo, nagdulot ng pagkabigla sa rehimen ang mga pahayag ni Co at lalo nitong ginising ang taumbayan na dati nang galit sa malawakang korupsiyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Itinanggi ng Malacañang ang mga akusasyon at nanawagan sa dating kongresista na umuwi sa bansa, ngunit iginiit ng CPP na mabibigo ang administrasyon na maibsan ang galit ng publiko.
Nagbabala ang CPP na lalakas pa ang mga panawagan para sa pagpapatalsik kina Marcos Jr., Vice President Sara, at iba pang opisyal ng gobyerno sa mga darating na kilos-protesta sa buong bansa.
Naniniwala ang CPP na tanging sa pagbagsak ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo matatapos ang paghahari ng mga tiwaling opisyal. (ROSE NOVENARIO)