Fri. Feb 13th, 2026

Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang pahayag ni Vice President Sara Duterte, na tinawag nilang pagtatangka ng isang oportunista na baguhin ang kasaysayan at ilihis ang atensyon ng publiko mula sa patuloy na krisis sa sektor ng edukasyon.

Sa isang kalatas, inakusahan ng ACT si Duterte na sinusubukang ilayo ang sarili mula sa mga kasong korupsiyon na bumabalot sa administrasyong Marcos Jr., habang binabalewala ang sariling rekord bilang dating Kalihim ng Edukasyon.

“Ang mga pahayag ni VP Duterte na siya’y tumutol sa korupsiyon at manipulasyon ng badyet habang siya’y Kalihim ng Edukasyon ay lantad na kasinungalingan. Bilyon-bilyong pondo ng DepEd ang napabayaan at iniwan ang mga silid-aralan sa buong bansa sa kalunos-lunos na kalagayan. Si Sara Duterte ay karapat-dapat sa bansag na reyna ng korupsiyon,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo.

Binigyang-diin ng ACT na hawak ni Duterte ang ₱676.1 bilyong badyet noong 2023, ngunit bilyon-bilyon ang nasayang sa mga kuwestiyonableng gastusin.

Kabilang ang ₱12.29 bilyon sa suspensions, disallowances, at charges na hindi pa naayos; ₱6.95 bilyon na cash advances na hindi na-liquidate; at ₱15.49 bilyon na mga programang, proyekto, at plantilla positions na naantala o hindi naisakatuparan.

Dagdag ni Bernardo, hindi ito maituturing na “principled dissent” kundi isang kalkuladong maniobra sa politika.

“Sa totoo lang, ito ay oportunismo. Simple lang. At hindi natin dapat hayaang matabunan ng mga makasariling naratibo ang tunay na usapin ng sistematikong korupsiyon, kakulangan sa transparency, at patuloy na pagpapabaya sa pampublikong edukasyon,” aniya.

Itinuro rin ng ACT na nagmula si Duterte sa isang dinastiyang “lubos na nalubog sa korupsiyon sa ilalim ng rehimen ng kanyang ama.”

Binanggit ng grupo na ang lumalakas na galit ng publiko sa mga iskandalo ng korupsiyon sa Kongreso ay nagpapakita ng lumalalim na agwat sa pagitan ng naghaharing uri at ng masa.

Muling iginiit ng ACT na parehong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Duterte ay dapat managot sa sistematikong korupsiyon, patronage politics, at panunupil na nagdala sa mga serbisyong panlipunan, lalo na ang edukasyon, sa bingit ng pagbagsak.

Nanawagan ang ACT sa mga ahensya ng gobyerno, civil society, at publiko na ipagpatuloy ang paniningil sa mga opisyal sa kanilang kabiguan na maayos na pamahalaan ang badyet sa edukasyon, at igiit na ang pondo ng bayan ay dapat ilaan sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang-diin ng ACT na makikiisa sila sa malawak na kilusan ng mamamayan para sa transparency at hustisya, at iginiit na nakasalalay ang kinabukasan ng pampublikong edukasyon sa pagbuwag sa ugat ng korupsiyon at sa pagtatapos ng burukratikong kapitalismo, kung saan ginagamit ng mga opisyal ang kapangyarihan ng estado para payamanin ang sarili at ang kanilang mga kaalyado, at ituring ang posisyon sa gobyerno bilang negosyo imbes na paglilingkod-bayan.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *