Fri. Feb 13th, 2026

📷: Alliance of Concerned Teachers – Philippines | FB

 

Ang pinakahuling pagbubunyag ni dating Rep. Zaldy Co, na nagsabing ang mga budget insertions ay ginawa umano sa utos at may tahasang pag-apruba mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagpapatibay sa matagal nang hinala ng mga guro at ng mas malawak na publiko, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).

“What Zaldy Co revealed is simple: walang gumagalaw, walang nai-insert, walang bilyong bumabaha, kung walang basbas ng Pangulo,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo. “That’s corruption engineered from the top.”

Sumama ang ACT- Philippines sa mga estudyante, guro, at mga organisasyong pangkomunidad sa naganap ngayong araw na “UP Snake Rally”, na nagbabala laban sa lumalalang krisis ng korapsyon sa bansa,na lalo pang nabunyag sa mga kamakailang whistleblower testimonies, na direktang naglalagay sa panganib ng milyun-milyon, lalo na sa gitna ng pinsalang dulot ng mga bagyo at lindol.

Binanggit ni Bernardo na sa gitna ng mga kalamidad na kumitil ng daan-daang buhay, nagpalikas ng libu-libo, at sumira ng halos dalawang libong silid-aralan sa Negros at Central Visayas, mabigat ang implikasyon ng mga alegasyong ito.

“Habang nalulunod sa baha ang mga komunidad at gumuguho ang mga silid-aralan, may mga opisyal namang nalulunod sa sariling kasakiman. Corruption kills—and the blood trail leads straight to Malacañang,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng ACT na parehong nabigo si Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na namuno sa DepEd sa gitna ng anomalya sa paggastos para sa flood control at kuwestiyonableng paggamit ng confidential funds, sa pinakapayak na pamantayan ng paglilingkod sa publiko.

“Marcos Jr. and Sara Duterte have shown us—again, and again—that they are unfit for office,” ani Bernardo. “When calamities struck, communities were left defenseless because funds were looted, misallocated, and locked inside pork-barrel schemes. This is abandonment of their most basic mandate to serve the Filipino people.”

Ipinakita rin ng mga guro na lumahok sa “Snake Rally” ang lumalaking galit ng bayan: mabilis ang administrasyon na arestuhin ang mga nagpoprotesta at tawagin silang kalaban, ngunit walang agarang aksyon laban sa mga nagnakaw ng kaban ng bayan.

“Napakabilis nilang mag-file ng kaso sa mga nagpoprotesta para sa transparency at hustisya. Pero sa mga nagpuslit ng bilyon-bilyon? Puro depensa at pagtatakip,” ani Bernardo.

Nagbabala ang ACT na ang krisis sa korapsyon ay hindi lamang sunod-sunod na anomalya, kundi likas na bunga ng sistemang burukrata-kapitalista na ginagawang pamilihan ng impluwensiya, kontrata, at kickbacks ang mga posisyon sa gobyerno.

“The billions in infrastructure damages and the lives lost are not simply due to acts of nature—they are disasters of governance,” ani Bernardo.

Muling iginiit ng samahan ng mga guro ang kanilang mga panawagan:

– Agarang pag-usig sa lahat ng sangkot—kabilang ang nasa pinakamataas na antas ng pamahalaan;

– Pagdodoble ng badyet sa edukasyon upang muling maitayo ang mga silid-aralan, maibalik ang ligtas na espasyo sa pag-aaral, at masuportahan ang mga guro;

– Pagtatapos sa pork-barrel politics at burukrata-kapitalistang pandarambong.

“The people will not remain silent,” diin ni Bernardo. “Habang nananatiling malaya ang mga mandarambong at nalulugmok sa krisis ang bayan, hindi kami mananahimik. Tama na. Sobra na. Panagutin ang nasa tuktok ng korapsyon.”  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *