Bahagi ng mas malawak na pattern ng sistematikong korapsyon, na matagal nang umiiral sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan, ang ₱4.44 bilyong flood control projects sa Davao, ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.
Naghain ng resolusyon si Tinio sa Mababang Kapulungan na humihiling na imbestigahan ang nakita niyang 80 kontratang may red flag na parehong modus na naitala sa Bulacan, Oriental Mindoro, at iba pang probinsya: congressional insertions, double funding, ghost projects, pagbabago ng lokasyon, maling specifications, at kontratang walang line item appropriations sa General Appropriations Act.
“Our preliminary analysis reveals the same patterns of corruption in Davao that have been uncovered in Bulacan, Oriental Mindoro, and other parts of the country—congressional insertions, projects without proper specifications, changed locations, and systematic plunder of public funds. Kaya huwag gamitin ang baha sa Cebu para pagtakpan ang anomalya,” paliwanag ng teacher-solon.
Binanggit din sa resolusyon na 49 sa 80 kontrata ay congressional insertions, habang ang pangunahing kontraktor na Genesis88 Construction Inc. ay pag‑aari ni Glenn Escandor, dating Presidential Adviser for Sports sa ilalim ng administrasyong Duterte at campaign contributor ni Vice President Sara Duterte.
“When Rep. Paolo Duterte said ‘Davao has nothing to hide,’ he challenged authorities to inspect the projects. We are taking up that challenge. The Filipino people demand accountability from everyone involved in this systematic corruption, whether from the previous or current administration,”giit ni Tinio.
Inatasan ng resolusyon ang House Committees on Public Accounts at Public Works and Highways na tukuyin ang lawak ng iregularidad, kilalanin ang lahat ng responsable, magrekomenda ng kaukulang kaso, at tiyakin ang pagbawi ng mga nawaldas na pondo.
“Bilyon‑bilyong piso na dapat sana’y proteksyon laban sa pagbaha ang nauwi sa ghost projects, overpricing, at kickbacks. Ang pattern ng korapsyon na ito ay hindi lamang usapin ng katiwalian—ito ay usapin ng buhay at kabuhayan ng mga Pilipino,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)