📷: Kristina Conti | FB
Sa ilalim ng bagong regulasyon ng International Criminal Court (ICC) na ipinatupad kahapon, Nobyembre 10, 2025, lahat ng arrest warrant ay nakahain bilang “underseal” o “secret” kaya maaaring hindi agad mabigyan ng impormasyon ang publiko ukol sa mga warrant.
Ito ang update ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti kaugnay sa isyu na naglabas na ng arrest warrant ang ICC laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang co-perpetrator sa kasong crimes against humanity kaugnay sa madugong drug war na ipinatupad ng administrasyong Duterte.
Ayon sa tagapagsalita ng ICC, hindi nila maaaring kompirmahin kung may warrant nga laban kay Dela Rosa.
Sinabi ni Conti na ang bagong patakaran ay malinaw: hindi dapat inilalantad ang warrant hangga’t hindi pa nadadala sa korte ang akusado upang hindi maistorbo ang imbestigasyon, mapigilan ang iba pang krimen, at mapalaki ang tsansa ng matagumpay na pag-aresto.
“What this means is that, whether a warrant has indeed been issued or is still to be issued, it is most likely not intended to be made known to the public – until of course a suspect has been brought to the court. Considerations for publicizing or not publicizing a warrant include whether this could interrupt criminal conduct, deter the commission of other crimes, or maximise opportunities for arrest,” aniya sa paskil sa Facebook
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may warrant na umano laban kay Dela Rosa, ngunit kinukumpirma pa ito ng Department of Justice.
Sa kabila nito, naninindigan si Conti na may sapat na batayan ang mga biktima ng war on drugs upang maniwalang may hakbang na ang ICC. (ROSE NOVENARIO)