Fri. Feb 13th, 2026

Kinatigan ng korte sa Northern Samar ang mosyon ni Frenchie Mae Cumpio na ibasura ang mga kasong pagpatay at tangkang pagpatay laban sa kanya, ngunit tinanggihan ang kaparehong hiling ni Alexander ‘Chakoy’ Abinguna.

Sinabi ng Laoang Regional Trial Court (RTC) Branch 21 na “invalid” ang pagdakip kay Cumpio.

Sa charge sheet ng dalawa, isang Frenchie Armando Y Cupio ang nakasaad bilang respondent, kaya’t nagpasya ang korte na may “kakulangan sa hurisdiksyon” kay Cumpio.

Gayunman, tinanggihan ni Acting Presiding Judge Noel Sermense ang kahalintulad na mosyon ni Abinguna, dahil wala raw pagkakaiba sa pangalan niya at sa nakasaad sa charge sheet.

Inaresto sina Cumpio at Abinguna sa magkaibang lokasyon ngunit sa parehong gabi noong Pebrero 2020 sa Tacloban City. Sila ay kabilang sa tinaguriang “Tacloban 5” na nahaharap sa iba’t ibang kaso.

Noong Oktubre 29, nagdesisyon ang Court of Appeals na paboran sina Cumpio at Marielle Domequil sa pamamagitan ng pagbawi sa desisyon ng Manila RTC na kumpiskahin ang mga pondo mula sa silid kung saan sila inaresto.

Si Abinguna, na tagapagsalita noon ng Karapatan-Eastern Visayas, ay kilala bilang mabilis na tumutugon sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon.

Mariing kinondena ng KARAPATAN ang desisyon ng korte laban kay Abinguna bilang isang “hayagang paglabag sa karapatang pantao sa due process.”

Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng KARAPATAN, ang desisyon ng korte kay Abinguña ay nagpapakita ng patuloy na pag-uusig sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Bagama’t tama aniya ang pagkilala ng korte sa invalid arrest ni Frenchie Mae Cumpio, lubhang hindi makatarungan na hindi ito ipinatupad kay Chakoy (Abinguna), lalo na’t pareho lang ang pinagmulan ng mga gawa-gawang kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay laban sa kanila.

Sinabi rin ng KARAPATAN na ginamit ng korte ang makitid at teknikal na interpretasyon na hindi isinasaalang-alang ang mas malawak na konteksto ng hindi makatarungang pag-uusig at paglabag sa karapatan ni Abinguna sa due process.

Tinukoy ng grupo na ang mga kaso laban sa Tacloban 5 ay “lantarang walang basehan.”

Giit ni Palabay, ang pagtanggi sa mosyon ni Abinguña na ibasura ang kaso ay nangangahulugang muli siyang sasailalim sa matagal na pagkakakulong.

Patuloy aniya na nilalabag ang kanyang karapatan sa due process at sa mabilis na pagresolba ng kanyang kaso dahil sa sobrang kabagalan ng mga proseso sa korte.

Binigyan diin ni Palabay na si Abinguna ay tinatarget dahil sa kanyang pagbubunyag ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga puwersa ng estado.

“Sa mga insidenteng binanggit laban sa kanya, walang tamang pagkakakilanlan—tanging ang kanyang pangalan lamang na nakuha mula sa rogue gallery ng militar. Malakas pa rin ang kanyang depensa, dahil nasa ibang aktibidad siya nang maganap ang mga sinasabing insidente,” aniya.

Hanggang ngayon, sina Abinguna, Cumpio, at Domequil ay nananatiling nakapiit sa Tacloban City District Jail habang hinihintay ang resolusyon sa natitira nilang mga kaso. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *