Fri. Feb 13th, 2026

📷: Alliance of Concerned Teachers-Philippines | FB

 

Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang doble-standard ng administrasyon: mabilis sa pagsupil sa protesta, ngunit tila inutil pagdating sa pagpaparusa sa korapsyon na patuloy na pumapatay at sumisira sa kabuhayan.

“Isang daang araw na ang lumipas mula nang mangako si Marcos Jr. na pananagutin ang mga tiwali—ngunit hanggang ngayon, ni isa wala pang nakulong. Samantala, 277 katao ang agad inaresto matapos magprotesta laban sa korapsyon noong Setyembre 21. Malinaw kung sino ang tunay na kinakatakutan at pinaparusahan ng gobyerno—hindi ang mga kurakot, kundi ang mamamayang lumalaban,” pahayag ni Ruby Bernardo, Tagapangulo ng ACT.

“Habang tinatakot ang mga nagpoprotesta, patuloy namang nilulustay ng mga nasa poder ang kaban ng bayan. Ito ang tunay na larawan ng burukrata kapitalismo—kung saan ang batas ay sandata laban sa mamamayan, at kalasag ng mga makapangyarihan,” dagdag ni Bernardo.

Lumahok ang ACT sa isang multisektoral na protesta sa harap ng Tanggapan ng Ombudsman ngayong araw, upang igiit ang pananagutan sa mga kuwestiyonableng proyektong pang-imprastruktura na lumustay ng bilyong pondo ng bayan, habang wala pa ring napapanagot mahigit isang daang araw mula nang mangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagawin ito.

Binanggit ng grupo na ang kabiguang panagutin ang mga tiwaling opisyal ay may nakamamatay na epekto.

Kamakailan, higit sa isang daan ang nasawi sa Cebu dahil sa Bagyong Tino, na naglantad sa kriminal na kapabayaan sa mga substandard na proyekto sa flood-control at mga naantalang imprastruktura.

Isa pang mapaminsalang bagyo ang papalapit sa bansa.

“Habang patuloy ang pag-aaksaya at pandarambong, mamamayan ang nagdurusa sa kapabayaan—sa pagbaha, pagkasira ng kabuhayan, at pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan. Dugo at pawis ng bayan ang kapalit ng kanilang kasinungalingan at katiwalian,” ani Bernardo.

Nanawagan ang ACT sa Tanggapan ng Ombudsman na magsagawa ng masusing imbestigasyon at magsampa ng kaso laban sa lahat ng opisyal at kontratistang sangkot sa mga anomalya sa imprastruktura.

Hinikayat din ng grupo ang publiko na manatiling mapagmatyag at organisado sa gitna ng tangkang patahimikin ang mga kritiko at pagtakpan ang pananagutan.

“Walang hustisya kung walang paniningil. Ang pananahimik ay pakikisangkot. Kaya’t habang nananatiling malaya ang mga mandarambong at inuusig ang mamamayan, patuloy tayong lalaban,” pagtatapos ni Bernardo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *