Fri. Aug 7th, 2026
Farmers in Negros Occidental (agriculture.com.ph)

Mariing kinondena ng Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas ang rekomendasyon ng Department of Agriculture kaugnay sa importasyon ng bigas, at nanawagan ng agarang pagpawalang bisa sa Rice Liberalization Law (Republic Act 11203) at Executive Order No. 62.

Ayon sa mga grupo, ang Rice Liberalization Law ay nagdulot ng matinding perwisyo sa mga Pilipinong magsasaka at maralitang mamimili, dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay at patuloy na mataas na presyo ng bigas.

Dagdag pa nila, ang EO 62, na nagbaba ng taripa sa bigas mula 35% tungong 15%, ay pabor lamang sa malalaking trader, importer, smuggler, at hoarder, habang lalong nalulugi ang mga magsasaka.

“Lumalakas ang panawagan ng taumbayan na ipawalambisa o i-repeal ang Rice Liberalization Law dahil ito ang puno’t dulo ng matinding krisis sa bigas at pagpatay ssa kabuhayan ng mga magsasaka. Ramdam ang epekto nito mula sa napakataas pa rin na presyo ng bigas at napakababang presyo ng palay. Sa ngayon, nananatiling #1 world’s rice importer ang bansa,” pahayag ni Cathy Estavillo, secretary-general ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Binanggit ni Estavillo na sa kabila ng mahigit tatlong taon sa poder, patuloy na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon ang mga polisiyang pabor sa importasyon, sa kabila ng malawakang pagtutol mula sa mga magsasaka at mamamayan.

Sa nakaraang anihan, bumagsak ang presyo ng palay sa ₱7–₱8 kada kilo, habang nananatiling mahal ang bigas sa merkado.

Giit ng mga grupo, dapat nang ibasura ang EO 62 at hindi na kailangang pag-aralan pa ng Malacañang, dahil sa loob ng isang taon ng implementasyon, napatunayang hindi nito nalutas ang krisis sa bigas.

Ayon sa datos, tumaas ang rice import dependency ng bansa mula 13% noong 2018 tungong 25% sa kasalukuyan, dahilan kung bakit ang Pilipinas ang nangungunang rice importer sa buong mundo

Inilahad ng Amihan at Bantay Bigas ang mga kongkretong hakbang na dapat isagawa upang maisalba ang lokal na produksyon ng bigas at maprotektahan ang mga mamimili:

– Itaas ang presyo ng palay sa hindi bababa sa ₱20 kada kilo

– Bigyan ng kompensasyon ang mga magsasakang naapektuhan ng sunud-sunod na kalamidad

– Magbigay ng production subsidy na hindi bababa sa ₱25,000 kada ektarya

– Kamtin ang 100% irrigation development at ipatupad ang libreng irigasyon

– Magtayo ng malawakang post-harvest facilities bilang serbisyo sa mga magsasaka

– Magbenta ang NFA ng murang bigas sa halagang ₱25 kada kilo

– Isabatas ang House Bill 578 o Rice Industry Development Act (RIDA) na panukala ng mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan

Ang pagpapanggap anila ng administrasyong Marcos Jr. na may malasakit sa mga magsasaka ay bunga lamang ng lumalawak na pagkondena ng taumbayan.

Nanawagan sila sa mga magsasaka, maralitang mamimili, at iba pang sektor na magkaisa sa panawagang ipawalambisa ang liberalisasyon sa importasyon ng bigas.

“Wala kaming ibang panawagan kundi labanan ang importasyon ni Marcos. Higit sa lahat, dapat palakasin ang lokal na produksyon at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para sa kapakanan ng mga magsasaka at mamamayan,” pagtatapos ni Estavillo. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *