Nanawagan si Kabataan Partylist Representative Renee Co na wakasan na ang pribatisasyon ng serbisyo sa tubig sa bansa, partikular ang mga kontrata ng Prime Water, isang pribadong kumpanya na pagmamay-ari ng pamilya Villar, na umano’y patuloy na nagpapahirap sa mga konsyumer sa kabila ng mahal na singil at palpak na serbisyo.
“Serbisyo, hindi negosyo, Itigil ang water privatization—ito na ang panawagan ng mga biktima ng palpak na serbisyo at mahal na singil ng water companies,” giit ni Co sa kanyang privilege speech.
Ayon sa kanya, lumaganap ang pribatisasyon ng tubig sa ilalim ng administrasyong Duterte at sa panunungkulan ni Sen. Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mula aniya sa 15 kontrata noong 2016, lumobo ang bilang ng kasunduan ng PrimeWater sa mga lokal na water districts, umabot ito sa 69 noong 2021, 75 noong 2022, at 77 sa kasalukuyan.
Sa kabila ng dami ng kontrata, reklamo ng mga residente: mahal na nga ang singil, wala pang tubig. At kung meron man, marumi at delikado pa ang lumalabas sa gripo.
“Hangga’t privatized ang water services, hindi makakaasa ang taumbayan ng malinis at abot-kayang tubig,” ani Co. Dagdag pa niya, hindi sapat ang mga retorika at pangakong pagbabago, dapat nang ibasura ang lahat ng Joint Venture Agreements (JVA) sa pagitan ng Prime Water at mga water districts.
Binatikos din ni Co ang kawalan ng aksyon mula sa Malacañang. “Ano pa ba ang hinihintay ni Pangulong Marcos Jr.? Bakit hindi pa isapubliko ang report ng LWUA (Local Water Utilities Administration)?”
“Sa SONA ng pangulo, walang sinabi ang pangulo sa mga pundamental na hakbang para mabigyang solusyon sa pagmatagalan ang mga hinaing ng bayan para sa mas mataas na sahod, pagbaba ng presyo ng pagkain, at pagpapanagot sa mga korap at tiwali,” ayon kay Co.
“Nawa’y sa pamamgitan ng talumpating ito ay mas maunawaan ng kapulungang ito ang panawagang umalingawngaw sa kalsada sa People’s SONA—Marcos singilin, Duterte panagutin!” pagtatapos ng kongresista. (ROSE NOVENARIO)