Pinawalang-sala ng Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan si Myrna Cruz-Abraham, isang 70-anyos na aktibista para sa karapatan ng mga katutubo, mula sa kasong frustrated murder na isinampa noong 2007.
Sa desisyong inilabas nitong Lunes ng Branch 9 ng RTC, sinabi ng korte na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala nina Cruz-Abraham at 18 iba pang akusado sa antas ng “beyond reasonable doubt.”
Inaresto si Cruz-Abraham noong Enero 27 sa San Rafael, Bulacan habang namimili kasama ang kanyang anak at apo.
Inakusahan siyang kasali sa isang ambush noong Marso 6, 2007 sa Cagayan na ikinasawi ni Barangay Chairperson Ernesto Belen.
Ayon sa korte, ang mga testimonya ng mga saksi ng prosekusyon ay “walang anumang indikasyon ng partisipasyon ng akusado sa sinasabing insidente noong Marso 6, 2007.”
Tinanggihan din ng korte ang alegasyon na kasali si Cruz-Abraham sa umano’y pagpupulong noong Enero 15, 2007 para planuhin ang ambush, dahil mismong mga saksi ng prosekusyon ang nagsabing hindi nila kilala ang akusado at hindi nila siya pinangalanan bilang isa sa mga sangkot.
Nagpahayag ng tuwa ang pamilya ni Cruz-Abraham sa kanyang pagkakawalang-sala, lalo’t kasabay ito ng paggunita sa ika-68 kaarawan ng kanilang yumaong ama.
Si Henry V. Abraham, Jr. ay isang kilalang kadre ng Communist Party of the Philippines na pinaslang ng Philippine National Police. Isinunod sa kanyang pangalan ang isang yunit ng New People’s Army sa hilagang Cagayan.
“Nagtagumpay ang hustisya sa kasong ito dahil hindi kriminal ang ina namin gaya ng ipinipinta nila. Ang totoo, hindi siya kailanman tumalikod sa pagtatanggol sa mga inaapi,” ayon sa pahayag ng pamilya nitong Miyerkules.
“Naninindigan kami na walang krimen ang ina namin, dahil makatarungan ang ipaglaban ang sambayanan,” dagdag pa nila.
Bukod sa pag-absuwelto kay Cruz-Abraham, ilang bilanggong pulitikal sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakamit din ang tagumpay sa korte ngayong linggo:
Pinawalang-sala ng Taguig RTC ang limang aktibista sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Dalawa sa tinaguriang Sta. Cruz 5, kabilang si NDFP peace consultant Adelberto Silva at magsasakang si Edisel Legaspi, ay nananatiling nakakulong dahil sa kasong murder.
Sa Mindanao, pansamantalang ibinasura ng 5th Municipal Circuit Trial Court sa Don Carlos, Bukidnon ang mga kasong attempted homicide at multiple homicide laban kina Charisse “Chaba” Bañez at Arjie Dadizon, ayon sa Free Agusan 6 Network.
Bagama’t may mga tagumpay, patuloy pa rin ang pagharap nina Bañez at Dadizon sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives sa Trento, Agusan del Sur, pati na rin sa hiwalay na mga kaso sa Bukidnon. (ROSE NOVENARIO)